608

Naga City, Camarines Sur (Setyembre 14, 2016) – Matagumpay na sinimulan  ang “Bicolarga Art Caravan” nitong Setyembre 8, 2016  sa pamamagitan ng isang art exhibit sa Old Bistro Roberto ng Villa Caceres Hotel sa Naga City.

Ito ang kauna-unahang “Art  Road Trip” sa Bicol Region na kung saan ang mga kalahok ay pupunta sa mga ipinagmamalaking tanawin ng Bicol at magkakaroon ng on the spot painting at sketching.  Bukod sa Naga, mayroon ding art exhibit na ginanap sa Atrium, Albay Provincial Capitol nitong Setyembre 12, 2016.

Ang dalawang art exhibits ay magpapatuloy hanggang sa katapusan ng Setyembre 2016. 

Ang mga artists na lumahok dito ay nagmula pa sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyong Bicol tulad ng Camarines Norte, Camarines Sur, Albay at pati ang mga Manila-based artists na miyembro ng Bikol Expression na nagmula sa iba’t-ibang probinsiya ng Bicol.

608-1 608-2

Hindi nagpahuli ang mga artists ng Camarines Norte kung saan pinangunahan ng mga miyembro ng Camarines Norte Artists Collective na sina Cres Adlawan, Dhon Jason de Belen, Jolanda Apostol, Arwin Diaz at Paolo Gerero, kasama rin sina Jao Deauna, Jed Fernandez, Armel Abrasado at Felicia Hernandez ang pagpapakita na buhay din sa kanilang lalawigan ang sining ng visual arts.

Nakiisa sila sa layunin ng organizer na si G. Pancho Piano, isa sa kinikilalang tanyag na artist ng Bicol na palawakin pa ang art appreciation sa rehiyon. Ito ay upang matulungan ang mga artists na paunlarin pa ang kanilang sining  at makatulong din sila sa pag-angat ng turismo at ekonomiya ng kanilang mga lalawigan.

Cresencio B. Adlawan
Camarines Norte News