608

Daet, Camarines Norte (Setyembre 27, 2016) – Gugunitain sa lalawigan ng Camarines Norte ang ika-106 taong anibersaryo ng kapanganakan ng bayaning Wenceslao Q. Vinzons sa ika-28 ng Setyembre ngayong taon.

Pangungunahan ito ng Museum, Archives and Shrine Curation Division ng pamahalaang panlalawigan kaugnay ng mga isasagawang mga programa sa kapitolyo probinsiya bukas.

Magsisimula ito sa pamamagitan ng pagtataas ng bandila na susundan ng pagbibigay ng mensahe nina Gobernador Edgardo A. Tallado at Bise Gobernador Jonah Pimentel.

Bibigyan naman ng parangal ang mga nagwagi sa isinagawang paligsahan sa charcoal painting, essay writing at oratorical contest.

Matapos nito ay ang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ng naturang bayani na matatagpuan sa grounds ng kapitolyo.

Ito ay kaugnay sa ipinalabas na Executive Order No. 2016-32 at Memorandum No. 160920-04 ni Gobernador Edgardo A. Tallado na nag-aatas sa lahat ng opisyal at empleyado ng pamahalaang panlalawigan na makiisa sa naturang gawain.

Ang lalawigan ng Camarines Norte ay non-working holiday alinsunod sa Republic Act No. 6720 na nagdeklara sa ika-28 ng Setyembre ng bawat taon upang gunitain ang anibersaryo ng kapanganakan ni Wenceslao Q. Vinzons.

Si Vinzons ay nahalal bilang gobernador ng lalawigan sa taong 1940 at naging kinatawan ng nag-iisang distrito ng Camarines Norte at natigil ang kanyang panunungkulan ng simulang sakupin ng mga Hapones ang bansang Pilipinas sa taong 1941.

Tema ng pagdiriwang ang “Wenceslao Q. Vinzons: An Exponent of Democratic Ideals.”

Reyjun Villamonte
Camarines Norte News