lisensya-608

Umabot sa dalawang daan, pitumput tatlong (273) mga traffic violators ang nahuli ng mga alagad ng LTO Flying Squad at mga PNP Deputized Personnel ng LTO na nagsagawa ng operasyon sa loob ng dalawang araw sa lalawigan ng Camarines Norte.

Nagsimula ang malawakang panghuhuli ng nasabing mga awtoridad nitong nakatalikod na araw ng Lunes hanggang araw ng martes.

Karamihan sa mga nahuli ay mga nagmamaneho ng motorsiklo na walang mga lisensya, helmet, rehistro ng sasakyan, kawalan ng side mirror, maduming plaka, at ilan pang mga paglabag sa batas pansasakyan.

Umaabot sa isang libo hanggang sa mahigit anim na libo, depende sa paglabag ang magiging multa ng mga nahuling motorista.

Sa bilang na 273 na mga violators, dalawampu lamang sa mga ito ang kinumpiska ang mga sasakyan na pansamantalang nakahimpil sa tanggapan ng Land Transportation Office sa Barangay Pamorangon.

Libo-libong piso din ang nakatakdang multa ng mga nagmamay-ari nito upang muling mabawi ang kanilang mga na impound na sasakyan.

Bahagya namang nagkaproblema ang mga kawani ng LTO Daet, matapos na mag off line ang kanilang computer system sa gitna ng tambak na mga dokumentong dapat na i-encode sa kanilang computer.

Hanggang nitong Bonifacio Day na itinakdang holiday ay napilitang pumasok ang ilang mga kawani ng LTO sa pagbabaka-sakaling bumalik ang linya ng computer system, subalit natapos ang maghapon ay nabigo ang mga ito.

Nagiging dahilan ito upang maantala ang kanilang serbisyo lalo na sa mga tutubos ng kanilang mga nakumpiskang lisensya at sasakyan.

Camarines Norte News