608-SP-1st-session-2017

Enero 12, 2017, Daet, Camarines Norte – Magandang balita ang sasalubong sa mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ngayong pagbubukas ng taong 2017 matapos na ipalabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang isang circular na magpapatupad ng dagdag na sahod ng mga manggagawa ng pamahalaan, kabilang na dito ang mga nasa pahalaang lokal sa bansa.

Kaugnay nito, agaran na ring sumulat si Governor Edgardo Tallado sa Sangguniang Panlalawigan upang hingiin ang awtorisasyon mula sa SP upang maipatupad na rin ito ng gobernador sa ngayon.

Sa panayam ng Camarines Norte News kay Vice Governor Jonah Pimentel, kahapon, sa kanilang unang regular na sesyon sa Sangguniang Panlalawigan ngayong taon, pinaboran din nila ito sa pamamagitan ng pagpapasa ng resolusyon na isinulong ni SP Committee on Finance Chair Board Member Gerry Quinonez na nagbibigay ng kapahintulutan sa gobernador na ipatupad na ang naturang kaatasan ng DBM.

Kahapon din ayun kay Pimentel, ipinatawag na ng SP ang Budget Officer ng pamahalaang panlalawigan at dito natiyak na may kapasidad ang kapitolyo na ipatupad ang nasabing salary increase.

Umaabot sa 23 Milyong piso ang maaaring ilaan para sa lahat ng kawani simula ngayong Enero o hanggang sa buong taon ng 2017. Bagamat may kaunting halaga na lamang na kakulangan na umaabot sa 384 libong piso, maaari na itong magawan ng paraan upang mapunan din ito.

Ipinatawag din sa sesyon si Human Resource Officer Ms. Tina Arevalo at ipinag susumite na ng listahan ng lahat ng kawani ng pamahalaang panlalawigan at kung magkano na ang magiging sweldo ng bawat kawani.

Ayun kay Pimentel, may table na ibinigay ang DBM hinggil sa kung papano ipatutupad ang naturang pagtaas ng sahod. Depende anya sa salary grade ng isang kawani ang magiging dagdag na sweldo nito. May ikinukunsidera ding step increment at kung gaano na katagal sa serbisyo ang mga magiging batayan sa pag compute ng dagdag na sahod ng bawat kawani.

Hindi pa man natatanggap, nagpahayag na ng kagalakan at pasasalamat ang mga kawani ng kapitolyo kay Gov Egay Tallado at sa Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Vice Governor Pimentel dahil sa agarang pagkilos ng pagpapatupad nito.

Rodel M. Llovit

Camarines Norte News

Photo Courtesy of Ricky Pera