608

Enero 13, 2017, Daet, Camarines Norte – Malaki ang tsansa ngayon ng delegasyon ng lalawigan ng Camarines Norte para sa gaganaping Palarong Bicol ngayong Pebrero sa Lunsod ng Legaspi.

Sa panayam ng Cool Radio News FM kay Camarines Norte DepEd Sports Coordinator, Mr. Nelson Gomez, patuloy ang pagkukundisyon nila sa kanilang mga atleta na sinimulan ang pag sasanay noon pang ika tatlo (3) ng Enero at magtatapos sa ika isa ng pebrero 2017.

Kumpiyansa si Gomez sa galaw ngayon ng kanilang mga manlalaro dahil na rin sa mas maagang training na kanilang isinagawa nito pang Disyembre ng nakatalikod na taon.

Sinabi ni Gomez na ang kanilang isinagawang advance training noong Disyembre ay inisyatibo na lamang ng kanyang mga kasamahang sports coordinators at ilang guro mula sa iba’t ibang paaralan at dahil hindi pa naman ito kasama sa budget na ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan. Nagkalap at nag solicit muna sila ng pondo na ginamit sa pagkain at iba pang pangangailangan ng kanilang mga atleta sa nasabing maagang pagsasanay.

608-2

Sa kanilang pagsimula ng training noong Enero a-tres, may sapat na itong pondo mula sa Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial School Board, sa tulong nina Governor Edgardo Tallado at Vice Governor Jonah Pimentel ng Sangguniang Panlalawigan na nag laan ng 10.3 Milyong piso na tutugon sa lahat ng mga gastusin para sa umaabot sa mahigit pitong daang miyembro ng delegasyon. Kabilang na dito ang mga atleta, coaches, chaperons, officiating officials at iba pang bahagi ng team.

Kumpara sa budget noong nakatalikod na taon, mas mataas ngayon ang pondong na inilaan na umabot sa nasabing halaga, dahilan sa lumaki ang bilang ng delegasyon. Paliwanag ni Gomez, halos lahat ng event ay nilahukan ng Camarines Norte upang mas malaki ang tsansang makakuha ng medalya. Bukod pa dito, nadagdagan din anya ang mga laro na dati ay demo sports lamang subalit sa ngayon ay kabilang na sa mga official games.

Tiniyak din ni Gomez na dahil sa malaking suportang ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan, sisiguraduhin nila na magiging maayos ang lahat simula sa mga uniporme hanggang sa pagkain.

Sa ngayon ay hindi pa batid ni ginoong Gomez kung sino ang nanalo o kung may nanalo na sa bidding para sa magiging caterer na magsisilbi sa kanila sa mismong palaro.

Sa huli, pahayag ni Gomez na kailangan nya ang suportang moral ng mga mamamayan ng Camarines Norte lalong lalo na ng mga magulang ng mga manlalaro. Mag sisilbi itong inspirasyon sa kanila upang maging matagumpay sa kanilang mga laban sa Palarong Bicol 2017.

Camarines Norte News

Photo by Nardz Hernandez