RELIEF OPERATIONS ISINAGAWA SA BRGY. ITANGON SA BAYAN NG BULA CAMARINES SUR; MAHIGIT 500 PAMILYANG NASALANTA NG BAGYONG NINA, NATULUNGAN

tabang1

Bula, Camarines Sur (Enero 21, 2017) – Naging matagumpay ang isinagawang relief operation kahapon na tinawag na “Tabang Banwaan” sa pangunguna ng 9ID Press Corps, 9th Infantry (Spear) Division at ng lokal na pamahalaan ng Bula. Naging sentro ng relief operation ang Brgy. Itangon sa bayan ng Bula na isa mga barangay na lubhang nasalanta ng Bagyong Nina.

Bandang alas siete ng umaga kahapon ng magsimulang mag tipon tipon sa munisipyo ng Bula ang mga kasama sa naturang relief operation na binubuo ng mga kasundaluhan, kapulisan, civilian/youth volunteers gayundin ng mga mamamayag mula sa iba’t ibang panig ng rehiyong Bicol. Dakong 8:30 ng umaga umalis ang grupo ng mga volunteers sakay ng mga military trucks patungo sa coastal barangay ng Itangon, malubak at makipot na daan ang sumalubong sa grupo gayundin ang matatarik na bangin dahil ang naturang barangay ay matatagpuan sa paanang bahagi ng bundok.

Pagkarating sa naturang barangay ay sinimulan kaagad ang relief operations kung saan namahagi ang mga sundalo ng mga food packs sa mahigit kumulang 500 pamilya ng lugar habang pinangunahan naman ng Philippines Red Cross ang pamamahagi ng mga used clothing gayundin ng mga bagong sapatos. Namahagi rin ang mga youth volunteers ng mainit na lugaw habang ang grupo naman ng JLo bigHeart Foundation INc. ay nagsagawa ng libreng pamamahagi ng vitamin A at deworming supplementation para sa mga kabataan ng naturang barangay. Namigay din ng libreng vitamins, diapers at sanitary napkins habang ipinapaliwanag ng mga health volunteers ang kahalagahan ng kalinisan sa katawan at maging sa tahanan.

Samanatala, fishnets at ilang materyales sa pagbuo ng bangkang pangisda ang libreng ipinamahagi ng mga kinatawan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa mga fisherfolks dahil na rin pangingisda ang isa sa mga pangunahing hanapbuhay sa mga residente ng naturang barangay. Giit ng ilan sa kanila, hindi lamang umano kanilang mga tahanan at pananim ang nasira pati na rin ang kanilang mga bangkang pangisda dahil na rin sa lakas ng hangin at alon noong kasagsagan ng pananalasa ni bagyong Nina.

Hindi naman matumbasan ang ngiti sa mukha ng mga residente habang bitbit ang mga ipamahagi sa kanila at magiliw na ngiti tuwing kakapanayamin at kukunan ng litrato ng mga mamamahayag na kasama sa naturang operasyon. Taos puso naman ang naging pasasalamat ng kapitan ng Brgy. Itangon sa mga nanguna ng naturang relief operations, aniya hindi matutumbasan ang ligaya na hatid ng tulong na ipinaabot sa kanila at hindi sila nakalimutan kahit may kalayuan ang kanilang lugar.

 

Bagama’t mag iisang buwan na nga ng manalanta ang bagyong Nina sa lalawigan, kapansin pansing maraming residente ang hindi pa rin nakaka rekober, patunay rito ang mga sira sirang kabahayan at establisyimento at magpa hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naibabalik ang linya ng kuryente sa maraming pang bahagi ng banwaan. Gayunpaman, positibo ang mga residente doon na ito ay kanilang malalagpasan sa tulong na rin ng   ng Poong Maykapal atmga mabubuting loob na hindi nagsasawang sila ay tulungan.

 

 

 

Camarines Norte News