SP-Session-608

Enero 26, 2017, Daet, Camarines Norte – “Kamote” ang nagsilbing simbolo ng pagkakabati nina Provincial Information Officer (PIO) Serwin Mata at Board Member Stanley Alegre sa isinagawang sesyon kahapon ng Sangguniang Panlalawigan. Kasunod na rin nito ang pag bibigay ng concurrence o pag –sangayun sa appointment ni Mata bilang PIO ng pamahalaang panlalawigan.

Bago ang pag apruba sa concurrence ni Mata, una na itong nai-defer noong naktalikod na sesyon para bigyan daan muna ang Privilege Speech ni Bokal Alegre may kaugnayan sa ibinabalik na Provincial Information Officer ng Lalawigan.

Kahapon, isinagawa muna ni Bokal Alegre ang kanyang privilege speech na nagpapahayag ng saloobin ng oposisyon patungkol kay Mata. Kabilang na dito ang anya’y tila pagsasawalang bahala ni ginoong Mata sa kapangyarihan ng Sangguniang Panlalawigan sa appointment nito bilang PIO.

Tinukoy din ni Alegre ang anya’y paninisi si Ginoong Mata sa limang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa hindi pag sweldo ng mga kawani ng kapitolyo nitong nakatalikod na Disyembre 2016.

Paliwanag naman ni Sherwin Mata na trabaho lamang ang kanyang ginagawa at hindi na maiiwasan ang ilang mga pahayag nya dahilan sa usapin ng pulitika.

Malinaw anya na sya ay political appointee at inihayag nitong nakay Gobernador Edgardo Tallado at ang lahat ng kanyang mga hakbangin ay para sa ikabubuti ng administrasyong Tallado. Gayunpaman, hiningi nito ang pag-unawa ng mga bokal sa kanyang sitwasyon dahil malinaw na ito ay usaping pulitika lamang at walang personalan.

Sa huli, nauwi na rin sa pagkakasundo sa pagitan ni Bokal Stanley Alegre at PIO Sherwin mata na nagkataon na magkasama sa isang Fraternity.

Inilabas naman ni Bokal Bong Quibral ang mga nilagang kamote, bilang simbolo ng pagkakasundo sa pagitan nina Mata at Alegre. Anya, simbolo ito ng paglabas ng sama ng loob.

Bilang pagpapakita ng pakikipagkasundo, kumain ng kamote ang dalawa at ang ilang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Sa botohang naganap para sa concurrence ni Ginoong Mata, pito kontra sa apat ang naging resulta ng botohan. Bukod sa anima na mga kasama sa partido, kabilang sa mga bomoto pabor kay Mata si Bokal Alegre bilang pagpapakita ng sinseridad sa pakikipagkasundo dito, sa kabila ng diperensya sa politika.

Sa harap nito, hindi naman ganap na kumbinsido si Board Member Godfrey Parale sa nasabing pagkakasundo sa paniniwalang kinakailangang humingi ng tawad muna si Mata sa kabuuan ng Sangguniang Panlalawigan, bagay na ipinagkibit balikat na lamang ni Ginoong Sherwin Mata.

Camarines Norte News