IMG_3435

Photo courtesy of Luigi Martin Querubin

Peberero 17, 2017, Daet, Camarines Norte – Bilang suporta sa pambansang kampanya ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte kontra ilegal na droga, isang kumprehensibong programa ang isinusulong ni Gob. Edgardo “Egay” Tallado ukol dito.

Pangunahin dito ang pagpapatayo ng drug rehabilitation center sa lalawigan para sa mga drug users kasama na ang layuning mahubog ang kanilang personalidad. Plano rin nya ang magbigay ng alternatibong pagkakakitaan/hanapbuhay para sa mga drug pushers para wala na silang dahilan na magtulak pa ng iligal na droga.

Bagama’t ipinahinto ng administrasyong Duterte ang “Oplan Tokhang” dahil sa pagiging kontrobersyal nito, ipinagpatuloy pa rin ng gobernador ang kampanya kontra droga sa pamamagitan ng pagtulong sa dissemination campaign ng Philippine National Police (PNP) dito sa Camarines Norte. Layunin nito na maiangat ang kamalayan ng publiko ukol sa masasamang epekto ng paggamit ng iligal na droga at ang kaukulang parusang kakaharapin ng sinumang indibidwal na mapapatunayang gumamit/gumagamit lalo na ang mga nagsusuplay at nagbebenta nito.

Kaugnay pa rin nito, makikiisa si Gob. Tallado at ang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan sa “Lakad Laban sa Droga” (Color fun walk) ng PBN-DZMD 1161 kHz na idaraos sa ika-19 ng Marso 2017, araw ng Linggo, sa pakikipagtulungan din ng Philippine National Police.

16425878_10154820878125056_5227054183419848714_n

 

Inaasahang lalahok din dito ang mga kawani mula sa iba’t-ibang local government units (LGUs), non-government organizations (NGOs), at mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang public and private schools sa lalawigan.

Ang color fun walk na magsisimula sa Central Plaza Mall Grounds at magtatapos sa Bagasbas beach ay isang fund raising activity ng PBN Foundation Inc., isang non-government organization, na naghahatid ng kawanggawa sa mahihirap nating mga kababayan kagaya ng pagbibigay ng scholarship program, pagdaraos ng medical-dental missions, feeding at gift giving sa iba’t-ibang panig ng rehiyong Bicol.

 

Adabel Panotes

Camarines Norte News