order608

Pebrero 28, 2017, Daet, Camarines Norte – Binigyan ng sampung araw ng tanggapan ng Office of the Ombudsman si Punong Barangay Pedro Musa ng Barangay V, Daet, Camarines Norte para sagutin ang reklamong isinampa laban sa kanya ng apat sa kanyang mga kagawad ng Barangay.

Ang kautusan ay nilagdaan ni Adoracion A. Agbada, Director of Preliminary Investigation, Administrative Adjudication and Prosecution Bureau-B, ng Office of the Deputy Ombudsman for Luzon.

Si Musa ay inireklamo sa Office of the Ombudsman nina Kgd. Crisanto Raymundo, Violeta Bacerdo, Alex Ternida at Ferdinand Chua, pawang mga kagawad ng Barangay V Daet, dahil sa umano’y iregularidad sa pag bili ng kanilang barangay ng garbage truck at lupa.

Nahaharap na ngayon si Kapitan Musa sa kasong paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 bilang kasong criminal na naitala sa bilang na OMB-L-C-17-0037 at kasong Grave Misconduct; Grave Abuse of Authority at Dishonesty para sa Administrative case na naitala sa bilang na OMB-L-17-0035.

Sa panayam ng Camarines Norte News kay kagawad Crisanto Raymundo, hindi dumaan sa tamang proseso ang pagbili ng nasabing sasakyan at maging ng lupain at wala rin anilang naganap na bidding para dito.

Nagmalay na lang umano sila ay nabayaran na ang mga ito at nakapagpalabas na ng tseke ang barangay ng hindi na nagmamalay ang konseho.

Sinundan naman ito ng affidavit ng barangay treasurer na nagsasabing inutusan lamang sya ni PB Musa kung kaya’t nakapagpalabas sya ng tseke para sa nasabing mga bayarin.

Sa panayam naman ng Cool Radio News FM kay Punong Barangay Peter Musa, sinabi nito na walang katotohanan ang lahat ng paratang sa kanya ng kanyang mga kasamahan.

Lahat anya ng tamang proseso ay dinaanan ng naturang mga pagbili at kumpleto sya ng dokumento para dito.

Maaga anya ang pamumulitika ng kanyang mga kagawad, at partikular na tinukoy nito si Kgd Raymundo na nagbabalak anyang tumakbong Punong Barangay ngayong darating na Oktubre.

Tugon naman ni Raymundo, sagutin na lamang ni Punong Barangay Musa ang kanilang isinampang kaso at doon na lamang ito patunayan.

Parehong may mga nakahandang karagdagan pang ebidensya ang magkabilang panig na ipiprisinta sa Ombudsman may kaugnayan sa naturang usapin na magpapatatag ng kani-kanilang mga argumento.

Camarines Norte News