awarding6081

Pebrero 28, 2017, Daet, Camarines Norte – Pinarangalan ang isang tricycle driver na nagbalik ng perang naiwan ng pasahero sa kanyang pinapasadang tricycle sa bayan ng Daet, Camarines Norte.

Kasabay ng flag raising ceremony ng mga kawani ng gobyerno sa harap ng  Daet Municipal Government Bldg. sa Brgy Pamorangon ng nasabing bayan kahapon, Pebrero 27,2017  binigyang parangal ng LGU-Daet sa pamumuno ni  Mayor Benito Ochoa, at ng mga personel ng Daet PNP si Rodel C. Martirez, driver ng tricycle na may Body Number 1481.

awarding6082

Matatandaang si Martirez ang driver na nag trending sa social media at umani ng papuri mula sa mga netizens matapos itong magsauli ng labing apat na libong pisong (Php.14,000.00) halagang pera na naiwan ng kanyang pasahero. Tinagurian pang “Good Samaritan” ng mga netizens ang nasabing driver dahil sa ipinamalas nitong katapatan.

Ilang Non Government Organizations (NGO) na rin ang nagpaabot ng kagustuhang bigyan ng parangal ang naturang driver bilang pagkilala sa kabutihang ginawa nito.

Mayroong umaabot sa dalawang libo at limandaang (2,500) tricycle drivers ang pumapasada sa nasambit na bayan at isa ito sa pangunahing sektor na pinagkukunan ng pangkabuhayan ng mga mamamayan  dito.

Hinikayat ng opisyal at ng kapulisan ang lahat na gawin din ang katapatang ipinamalas ng naturang driver.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News