calaguas608new

Marso 13, 2017, Daet, Camarines Norte – Umapela ngayon ang mga lehitimong Tour Operators sa lalawigan ng Camarines Norte kaugnay ng anila’y hindi maayos na sistema sa pagtungo ng mga turista sa Calaguas Island sa bayan ng Vinzons sa nasambit na lalawigan.

Sa panayam kay Ginoong Jun Velacruz, isa sa mga mga tour operators sa lalawigan, sinabi nitong hindi na maganda ang nagiging takbo ng sistema sa dinarayong isla sa Camarines Norte sa nakalipas ng taon.

calaguasnew608-1 resort608

Nagiging kapuna-puna na anya ang pagdami ng mga tour operators na wala namang mga kaukulang permiso katulad ng simpleng mayor’s permit at hindi rin miyembro ng Aliance of Camarines Norte Tour Operators na kinikilala naman ng Provincial Tourism Office.

Ang nasabing mga nagsulputang mga umaaktong Tour Operators umano ay hindi sumusunod sa alituntuning napagkakasunduan ng kanilang samahan.

Kabilang na dito ang labis na pag bagsak ng presyo ng tour package na nagiging resulta ng pagbaba ng kalidad ng mga serbisyo ng mga ito. Ang masaklap pa, ayun kay Velacruz na karamihan sa mga ito ay hindi naman taga rito sa lalawigan ng Camarines Norte kung kaya’t tila wala itong mga pakialam kung madisappoint ang mga turista at hindi na bumalik sa lalawigan.

Hindi rin anya malinaw kung saan napupunta ang ibinabayad sa barangay na 20 pesos bawat turista dahil, tila wala din namang nakikitang maayos na serbisyo sa lugar ang mga opisyal ng barangay o tanod man lang. May mga pagkakataon pa na nagkakaroon ng nakawan sa lugar katulad ng simpleng tsinelas hanggang sa mga mamahaling camera dahil sa kawalan ng mga tanod na dapat sana ay nagbabantay sa mga turista.

May mga pagkakataon pa anyang isinusulat pa sa mga Blog sa internet ng mga dismayadong turista ang mga masasamang karanasan nila sa mga hindi lehitimong tour operators na kanilang kinuha.

Dahil dito, sa lalawigan ng Camarines Norte ang bagsak ng lahat ng negatibong komento ng mga turista.

Ibinunyag din ni Velacruz na base sa kanilang obserbasyon, bumaba na ang pagdagsa ng mga turista sa nakalipas na halos dalawang taon.

Magugunitang nitong taong 2015 nahirang bilang isa sa pinaka dinarayong isla ang Calaguas Island sa buong bansa, subalit sa ngayon anya ay tila, napagiiwanan na naman ang Calaguas dahilan na rin sa pagkadismaya ng ilang mga turista na bukod sa hindi na bumabalik ay ipinaparating pa sa ibang turista sa pamamagitan ng Blog ang kanilang masamang karanasan.

Panawagan ni Velacruz na hangga’t maaga ay magawan na ito ng aksyon ng pamahalaang lokal ng Vinzons at maging ng LGU Paracale bago pa man lamang tuluyang masira ang imahe ng nasabing isla at tuluyang mauwi sa wala ang pinaghirapan ng mga taga Camarines Norte.

Anya, makailang beses na rin silang nagpulong pulong kasama ang mga LGU, coastguard, Marina nito pang nakatalikod na administrasyon subalit tila walang nangyayari at patuloy na nagiging magulo ang sistema.

Sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin si Velacruz kay Provincial Tourism Officer Bong Palma dahilan sa kabila ng ganitong kakulangan ng mga LGU ay patuloy pa din ang suporta sa kanila ng tanggapan ni Palma partikular ang patuloy na pagsusumikap na maipromote ang Calaguas Island sa iba pang mga turista sa loob at labas ng bansa.

 

Camarines Norte News