usb-608-1

Abril 3, 2017, Daet, Camanrines Norte – Inilatag ni Mayor Benito Ochoa ng bayan ng Daet ang mga serbisyong nagawa at patuloy na isinasagawa ng kanyang administrasyon mula ng siya ay manungkulan noong Hulyo 2016 hanggang Marso ng kasalukuyang taon sa kanyang unang Ulat sa Bayan na isinagawa kasabay ng 13th regular session ng Sangguninag Bayan sa Session Hall ng Municipal Building ng bayan ng Daet ngayong araw.

usb-608-2

Bilang panimula, nag ulat ng cash position report si Municipal Treasurer Rodante Forbes kung saan sinabi nito na sa loob ng 29 taon na paninilbihan niya sa LGU Daet, maliban sa pagtaas ng koleksiyon ay ngayon lamang umano nagkaroon ng surplus na 16 million pesos ang Municipal Treasurer’s Office.

Sa pagpapatuloy ng ulat ni Mayor Ochoa, binanggit nito na sa sektor ng kalusugan, maliban sa pagpapaigting ng serbisyong pangkalusugan at pagpapabuti ng mga pasilidad, nagpapatuloy umano ang ibang programa ng administrasyon katulad ng zumbagasbas. Nagtayo na rin umano ng isang breastfeeding station para sa mga ina at mga sanggol. Nagpagawa na rin ng isang unit ng hauler na iikot sa mga barangay para ipaalam ang mga impormasyon tungkol sa rabies at kung paano ito maiiwasan.

Sa sektor naman ng edukasyon, siniguro umano ni Mayor Ochoa na tataas ang sa 4 million ang dating 2 million na budget para sa mga iskolar ng munisipalidad. Nagpatupad rin umano ng mas pinalakas na mga programa at pagsasanay para sa mga day care, elementary, K-12 at Alternatve Learning System (ALS). Naipaayos na rin umano ang Municipal Libray at sinigurong may malawak na espasyo upang mas marami pa ang mabigyang serbisyo nito.

Dinagdagan din umano ang asistensya para sa mga guro mula sa 2,000 na 3,000 na sa ngayon. Naipagawa na rin umano ang hiling ng mga paaralan na istruktura mula sa Special Education Fund. Ipinagmalaki rin ni Mayor Ochoa ang pagtanggap ng LGU ng parangal mula sa National Literacy Coordinating Council para sa isang patimpalak tungkol sa edukasyon at literacy.

Bilang pagpapahalaga naman sa mga kababaihan, nagsagawa ng mga pagsasanay at programang pangkabuhayan tulad ng Livelihood Program for Solo Parent ng MSWDO. Nagkaroon rin ng pagsasanay at paghahanda sa mga kababaihang nagnanais magsimula ng negosyo ang TLDC at Go Negosyo Center.

Para sa naman sa mga kabataan, functional at operational na umano ang drop in center sa Brgy. Camambugan para sa pansamantalang pangangalaga sa mga batang lansangan ng MSWDO. Mayroon na rin umanong  Local Youth Development Office na kauna-unahan sa rehiyon na siyang namamahala sa mga programang pangkabataan. Tinaasan rin umano ang alokasyon para sa sports upang mas mahasa ang  abilidad at kakayanan  ng mga kabataan upang maiiwas ang mga ito sa mga bisyo. Kaugnay nito, binigyan rin umano ng nararapat na insentibo ang mga kabataang atleta na nagbigay karangalan sa bayan. Nakapagpadala na rin umano ang LGU ng mga kabataan sa mga regional at national forums.

Siniguro rin umano  ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) sa ilalim ng kanyang pamumuno na naipapatupad ang mga programa at naibibigay ang mga benepisyo ng mga kababayang may kapansanan. Kaugnay nito, ginawan ng PWD ramp at comfort rooms ang ilang lokal na pasilidad. Sumailalim na rin umano ang ilang special children at kanilang mga magulang sa livelihood programs sa ilalim ng DES-SPED. Binigyang pansin din umano ang mga kababayang may pinsala sa pandinig sa pamamagitan ng pagpapasuri sa mga ito sa pamamagitan ng MSWDO at nagsagawa ng pagsasanay sa sign language sa tulong ng Philippine Registry of Inerpreters for Deaf and Deaf Advocators of the Philippines Association.

Bilang pagpapahalaga naman umano sa mga nakakatanda, naglaan umano ng nararapat na alokasyon at programa para sa mga ito, mula sa mga asistensyang medikal hanggang sa burial assistance.

Sa usapin naman ng kabuhayan at trabaho, mula Hulyo hanggang sa kasalukuyan ay nakapagbigay na umano ng trabaho sa umaabot 640 na mga kababayan ang Public Employment Services Office (PESO) sa pamamagitan ng Jobs Fair at SPES naman sa kasalukuyan.

Sa pagsugpo naman ng panganib at kalamidad, ipinagmalaki ni Mayor Ochoa na nangunguna ang Daet- MDRRMO sa aspeto ng pagresponde sa ibat-ibang insidente maging sa ating mga karatig bayan. Dagdag pa ng alkalde, bumibili na ang LGU ng isang fully equipped emergency vehicle upang mas mapabilis ang Daet 24/7 Emergency Response Unit. Isinasaayos na din umano ang profiling system ng Daet Assessment Emergency Tool (DAET) na siyang tutugon sa mga pangangailangan ng sambayanan bago, habang at pagkatapos ng kalamidad. Matatandaang ginawaran ng Gawad Kalasag Award ang bayan ng Daet bilang Best Disaster Risk Reduction and Management Council for 1st to 3rd Class Municipality ng taong 2016.

Upang mapanatili naman ang kaligatasan ng mga mamamayan at mga motorista, naglagay na umano ng mga ilaw sa lansangan na target umanong gawing boundary to boundary ng alkalde upang mabawasan ang kriminalidad sa bayan.

Ayon naman sa ulat ni COP Wilmor G. Halamani, malaki umano ang tulong na naibibigay ng LGU-Daet sa sa pagpapatupad ng Anti Illegal Drugs Campaign ng PNP sa pamamagitan ng pakikipag ugnayan sa mga barangay at pagtuon sa iba pang programa katulad ng Sports na maglalayo sa mga kababayan sa pag gamit ng ipinagbabawal na gamot.

Sa pagpapanatili naman ng kapayapaan at kaayusan, naglagay ng mga plastic barriers sa pagitan ng mga kalsada at solar lights sa mga pedestrian lane para sa mas maayos na trapiko. Bumili na rin umano ng  isang multi-cab na magagamit ng PSTMO upang magamit sa mabilis at agaran na pagtugon sa problema sa trapiko.

Sa sektor ng ekonomiya, nalulugod umano si Mayor Ochoa sa naitalang 100% renewal ng 2500 tricycle units dahil sa aktibong partisipasyon ng mga Franchise Unit Holders. Sinisiguro umano ng alkalde na ang bawat sentimong nakokolekta mula sa plasada, renta, mandatory fees at iba pa ay naipapasok sa kaban ng bayan.

Dagdag pa nito, saludo umano siya sa aktibong paglilibot at pagmomonitor ng mga tauhan ng Municipal Treasurer’s Office upang siguruhin na may Mayor’s permit ang mga establisyemento.

Sa turismo at kultura naman, patuloy umano ang pagdiriwang ng Pineapple Festival at patuloy ding susuportahan ang pagkilala sa Bantayog ni Dr. Jose Rizal. Binigyan na rin umano ng alokasyon ang pagsasaayos ng Daet Heritage Center bilang pagpapahalaga sa  bahagi nito sa kasaysayan ng bayan. Samantala, patuloy naman umano ang pagpapaganda at pagpapanatili ng kagandahan at kaayusan ng Bagasbas beach.

Sa sektor naman ng agrikultura, nagkaroon umano ng pagtaas sa produksyon ng bigas. Namahagi naman binhi ng gabi sa apat (4) na rural barangays, at sari saring binhi ng gulay sa 21 elementary school sa ilalim ng Gulayan sa Paaralan Program. Namahagi din ng 50,000 camote cuttings sa 25 magsasaka ng tatlong (3) barangay.

Anim (6) na fiber glass non-motorized boats naman ang ipinamahagi ng BFAR sa mga piling mangingisda.

Upang mapanatili naman na malusog at malinis na pamayanan o kalinisan, pinaiiral ang regular na koleksiyon ng mg basura sa pamilihang bayan, pampublikong gusali at terminal. Ipinatawag din umano ang 25 barangay upang ipaliwanag ang kanilang responsibilidad sa tamang “waste segregation” kaugnay ng RA 9003 na unti unti ng sinisimulan at ipinapatupad.

Ayon pa sa alkalde, malaking hamon umano ang problemang kinaharap niya ukol sa bundok ng basura sa Daet Dumpsite. Bilang solusyon, nagdagdag ng mga truck na nagkokolekta ng mga basura na mula sa 2 ay naging 6 na. Inayos din umano ang sistema ng pagtatapon sa dumpsite at nilagyan ng steel gate at walling sa paligid nito upang makontrol at maregulate ang mga taong nagtatapon dto.

Upang maiwasan naman umano ang pagbaha at mapanatiling malinis ang Daet River, regular na isinasagawa ang pagtatanggal ng mga water lily o hyacinth.

Nakapagpagawa na rin umano ng mga bagong basurahan at nakapamahagi ng mga bota at kapote para sa mga taong namamahala sa kalinisan.

Tinutukan na rin umano ang pagsasaayos ng ng mga palikuran at bubong sa pamilihang bayan sa kabila ng maliit na pondong nakalaan para dito. Naipaayos na rin umano ang Market Adminstration Office at isinagawa na ang rewiring ng mga linya ng kuryente upang matanggal na umano ang mga ilegal na koneksiyon dito at para na rin maiwasan ang sunog.

Dekalidad na mga pagawang bayan naman umano ang handog ng administrasyon sa sektor ng imprastraktura. Naipaaabot umano sa mga barangay ang kanilang alokasyon mula sa 20% development fund.

Binigyang tuon din umano ang pagsasaayos ng mga pasilidad ng Daet Terminal Complex na isa umano sa naging daan upang madoble ang koleksyon mula rito.

Sa kasalukuyan naman ay patuloy umano ang konstruksyon ng GSO Storage Room, fencing ng PNP, pagsasaayos ng COA Storage Room at Slaughter House at paglalagay ng garahe para sa MDRRMO.

Bilang pagtatapos ng ulat, ipinangako ni Mayor Ochoa na magpapatuloy pa umano ang kanyang buong pusong pagsisilbi sa mga Daeteno at gagawin ang kanyang tungkulin bilang Punong bayan. Asahan pa umano ang mas maraming proyekto na kanyang iuulat sa susunod niyang Ulat sa Bayan.

 

usb-608-3

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News