palm608

Abril 10, 2017, Daet, Camarines Norte – Dumagsa ang mga katolikong nakiisa sa pag gunita ng pagpasok ni Jesus sa Jerusalem o kilala bilang Palm Sunday sa lahat ng simbahan sa bansa kasama na ang St. John The Baptist Church sa bayan ng Daet bilang hudyat sa opisyal na pagsisimula ng Semana Santa sa liturhikong kalendaryo ng simbahang katoliko.

palmnew608

Isinagawa kahapon ang pagbabasbas ng mga palaspas na kaugalian na tuwing Palm Sunday at bilang pagpapakita rin ng debosyon ng mga katoliko sa nasambit na araw.

Sa homily ni Fr. Gerardo Nemi, Parochial Vicar ng Paroquia de San Juan Bautista, hinimok ang lahat na suriin ang sarili, magsisi sa kasalanan at sikaping huwag matalo ng kahinaan bilang tao dahil sa panahong ito umano ay pinahahalagahan ang paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus.

Samantala, sinamantala rin ng mga nagtitinda ng palaspas sa kahabaan ng F. Pimentel Ave. ang nasabing araw na isang beses lang sa isang taon nagaganap. Ang pag gawa umano ng palaspas tuwing Palm Sunday ay isa na ring debosyon para sa kanila.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News

Photo courtesy of Niel Angelo Agento