tsuper1

tsuper2

Abril 25, 2017, Daet, Camarines Norte – Pahinga muna sa pamamasada ang labing isang (11) magigiting na tricycle driver mula sa ibat ibang TODA sa lalawigan ng CamNorte na sumabak naman sa isang gabi ng patimpalak ng ganda, talento at talino bilang mga babae sa kauna-unahang Bantayog Tsuper Sireyna na ginanap sa Provincial Capitol Grounds, Daet, Camarines Norte kagabi, Abril 24, 2017.

Rumampa ng naka heels, make up at damit pambabae ang mga kalahok na mga tunay na lalaking tsuper na nagnanais na masungkit ang titulo at korona ng nasambit na kumpetisyon.

Sa huli, wagi si Richard Magana ng Labo Toda na masungkit ang korona at titulong Bantayog Tsuper Sireyna at nagkamit ng premyong Php 10,000.00.

tsuper3

1st Runner Up naman si Felimon Ogalisco ng MGM Toda na nag uwi ng premyong Php 7,000.00 at 2nd Runner Up si Marvin Guevarra ng CP Toda na nag uwi ng premyong Php 5,000.00.

tsuper4

tsuper5

Sa mensahe ni Provincial Tourism Officer Bong Palma, sianbi nito na ang naturang pageant ay pagpapakita umano ng pagkilala at malasakit ng Provincial Tourism Office sa mga tricycle driver at sektor nito bilang parte ng turismo, partikular na sa paghahatid ng ligtas sa mga turista sa ibat ibang destinasyon sa ating probinsya.

Layunin din umano ng pageant na maintindihan ng mga kalalakihan ang hirap na dinaranas ng mga kababaihan upang mas igalang pa ang mga ito.

Nanawagan din ang opisyal na sana ay igalang ng lahat ng mga tsuper ang kanilang mga pasahero maging turista man o hindi. Kapalit naman nito, nararapat din igalang ng mga pasahero ang mga tsuper.

Samantala, walang umuwing luhaan sa mga kalahok dahil ang mga hindi pinalad manalo ay binigyan ng consolation prize na Php 1,000.00 ni Governor Egay Tallado.

Nangako rin ang gobernador na lalakihan pa hanggang Php 50,000.00 ang premyo para sa Bantayog Tsuper Sireyna sa pagdiriwang ng Bantayog Festival sa susunod na taon upang mas marami pang tsuper ang mahikayat na lumahok dito mula sa sektor ng transportasyon. Maari na rin umanong lumahok ang mga tsuper ng jeepney, taxi, at bus.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News

Photos courtesy of Come to Cam Norte and Roden Rosario