jpang608

Agusto 8, 2017, Jose Panganiban, Camarines Norte – Patay matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang armadong suspek  sa mismong barangay hall ang kapitan ng Barangay Nakalaya, Jose Panganiban, Camarines Norte dakong 10:10 ng umaga kahapon, Agusto 7, 2017.

Kinilala ang biktima na si Froilan Maquiniana y Reondanga, 47 anyos, kasalukuyang residente at  Barangay Captain ng Barangay Nakalaya, Jose Panganiban, Camarines Norte.

Sa imbestigasyon ng Jose Panganiban Municipal Police Station (MPS), habang nagsasagawa ng kanilang ika-14 na regular na sesyon sa Barangay Hall ng nasambit na lugar ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay na pinamumunuan ng biktima, dumating umano ang limang (5) armadong kalalakihan na nakasuot ng cloned military uniform.

Hinanap umano ng mga ito ang biktima at nang matagpuan ay walang habas na pinagbabaril sa ulo at iba pang bahagi ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong pagkamatay.

Matapos ang pamamaril, nagpahayag pa umano ang mga suspek na “Huwag kayong matakot, si Kapitan lang ang sadya namin”, at tuluyan na umanong nagtungo sa mabundok na bahagi ng Brgy. San Rafael sa parehong bayan.

Nakuha mula sa crime scene ang tatlong basyo ng bala mula sa hinihinalang M16 rifle.

Samantala nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang  Jose Panganiban MPS sa katuwang ang 2nd Maneuver Platoon ng Camarines Norte Provincial Public Safety Company at 22nd Infantry Brigade CAA Company Philippine Army na naka base sa Barangay Sta Elena, Jose Panganiban, Camarines Norte para sa pagtukoy ng kinaroroonan ng mga suspek at ikadarakip ng mga ito.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News