608-talisay

Agusto 6, 2017, Talisay, Camarines Norte – Nauwi sa pananaksak ang pagtatalo ng tatlong kalalakihan sa Purok 3, Barangay Caawigan, Talisay, Camarines Norte dakong 4:30 ng hapon kamakalawa, araw ng Linggo, kung saan dalawa (2) sa mga ito ang nasugatan.

Kinilala ang mga biktimang sina Joey San Fernando y Orijuela, 37 anyos, binata, residente ng Purok-4, Barangay Caawigan, Talisay Camarines Norte at Randy San Fernando y Delos Santos, 34 anyos, driver at residente ng Purok 3 ng parehong barangay.

Sa imbestigasyon ng Talisay Municipal Police Station (MPS), nagkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan ni Joey San Fernando at suspek na si Marvin Daran y Managuilod, 33 anyos, residente ng parehong barangay kung saan napikon umano ang huli at sinaksak si Joey sa kaliwang bahagi ng noo gamit ang dala nitong balisong.

Sa pagkakataong iyo ay tinangka naman ni marvin Daran na awatin ang dalawa subalit maging ito mismo ay inundayan ng saksak ng suspek sa leeg at kaliwang braso.

Agad naman umanong tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksiyon matapos ang insidente.

Isinugod naman sa Camarines Norte Provincial Hospital ang mga biktima para sa kaukulang atensiyong medikal.

Nagsasagawa na ng follow up investigation ang Talisay MPS para sa pagtukoy sa kinaroroonan ng suspek at pagkadarik dito.

 

Charlotte V.Marco

Camarines Norte News