hub608

Agusto 9, 2017, Daet, Camarines Norte – Binuksan na sa publiko ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Hub sa Camarines Norte matapos itong ilunsad ng Philippine Information Agency (PIA) Provincial Office sa kapitolyo probinsiya kamakailan.

Tinampukan ang paglulunsad ng cutting of ribbon para sa pagbubukas ng naturang hub kung saan nakiisa sa naturang gawain ang ilang kawani ng pamahalaang panlalawigan, lokal na pamahalaan ng bayan ng Daet, mga mamamahayag at iba pang nakiisa sa programa.

ribboncutting608

Ayon kay Joan Kristine Tabernilla-de Luna, Municipal Administrator ng bayan ng Daet at panauhing pandangal, ito ay bilang oportunidad na nabibigyan ng ASEAN hub sa ganitong lugar at malaking bagay rin para sa mga mag-aaral.

Aniya, mahalaga rin ang mga bagay na dapat na malaman tungkol sa ASEAN hindi lang sa social media o ibat-ibang nakikita o napapanuod kundi nandito mismo sa kapitolyo probinisiya sa bayan ng Daet kung saan maaaring bisitahin o puntahan.

Sinabi naman ni Sherwin Mata, Provincial Information Officer ng pamahalaang panlalawigan na sa pamamagitan ni Gobernador Edgardo A. Tallado ay tutulong sa anumang maaaring ibigay na serbisyo para sa pangangailangan ng publiko.

Ipinahayag rin ni Marlon Loterte, Assistant Regional Director ng PIA sa rehiyong bikol na ito ay isang proyekto ng PIA sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan sa mga programa at inisyatibo kung saan ang pamahalaang nasyunal ay tumutulong rin lalo na sa mga barangay.

Aniya, makikita sa ASEAN hub ang mga oportunidad sa negosyo at impormasyon tungkol sa turismo kung saan makikita rin ito sa Airport ng lungsod ng Legazpi; piyer ng Matnog, Sorsogon; Camarines Sur Water Complex (CWC) sa Camarines Sur at mayroong pang mga plano para dito ganundin ay patuloy pa rin ang isinasagawang information campaign tungkol sa ASEAN.

Hinikayat niya rin ang suporta ng lahat at handa rin na makipagtulungan ang tanggapan ng PIA sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa ikatataas ng antas ng pamumuhay ng mga mamamayan.

Layunin ng hub ang maibigay ang mga impormasyon at kaalaman sa pamamagitan ng mga babasahin na may kaugnayan sa kahalagahan ng ASEAN ganundin ang mga programa ng ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan.

Ang ASEAN hub ay bukas para sa lahat na nais tumungo o bumisita sa tanggapan ng PIA Provincial Office na matatagpuan sa 3rd floor ng Provincial Library Building ng kapitolyo probinsiya.

desk608

 

Reyjun Villamonte

Camarines Norte News