SLR-Fire-608

Agosto 13, 2017, SLR, Camarines Norte –  Tupok na tupok ang lumang gusali ng pamahalaang lokal ng San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte matapos itong lamunin ng apoy na nagsimula alas 3:40 ng hapon kahapon, Agosto 12, 2017.

Sa ekslusibong panayam ng Camarines Norte News kay SFO1 John Alexis Tuyado ng SLR Fire Station, sinabi nitong sa likurang bahagi ng lumang gusali nagsimula ang apoy kung saan naroon din ang mga barracks ng SLR PNP.

Agad nila itong inapula subalit dahilan sa nasusunog na ang nasabing barracks ng pulisya, ilang mga putok o pagsabog ng mga nasusunog na bala ang kanilang narinig kung kaya’t hindi gaanong nakabwelo ang mga miyembro ng pamatay sunog dahil sa pag iingat na matamaan sila ng mga pumuputok na bala.

Gayunpaman, ayun kay SFO1 Tuyado, sa kabila ng nagpuputukang bala, nagpatuloy pa rin sila sa pag apula ng apoy. Agad din umano nila tinawagan ang mga kasamahang pamatay sunog mula sa bayan ng Daet at karatig pang bayan subalit dahilan din sa sitwasyon ng isinasagawang kalsada, hindi naging madali para sa mga rumespondeng pamatay sunog na makarating ng mabilisan.

Hindi rin anya totoo ang mga komento sa social media na hindi agad agad na nakaresponde ang fire truck ng San Lorenzo Ruiz. Sa katunayan umano ay sa likurang bahagi sila nagsimulang umapula ng apoy subalit dahil sa lakas ng hangin at sa nagpuputukang bala ay hindi nila agad agad na napatay ang sunog.

Hindi rin anya naging madali ang pag re-fill nila ng tubig sa fire truck mula sa fire hydrant dahil hindi rin ganun kalakas ang pressure mula dito.

Anya, ang nakikitang mga larawan sa Facebook na walang bombero ay nasa harapang bahagi ang kuha ng larawan kung kaya’t hindi nakikita ang kanilang fire truck.

Nabatid din na ilang tanggapan ng departamento ng LGU SLR ang doon pa rin nag oopisina sa nasunog na gusali, kabilang na dito ang dating himpilan ng pulisya na kung saan ay hindi pa ganap na nakakalipat tungo sa kanilang bagong gawang building ang mga kapulisan kung kaya’t may mga naiwan pang mga kagamitan sa nasabing lugar bago ito nasunog. Nabatid na sa susunod na linggo pa nakatakdang pasinayaan ang bagong tayong gusali ng Pulisya ng San Lorenzo Ruiz.

Alas sais na ng gabi kagabi ng tuluyang maapula ang apoy, na halos tumagal ng mahigit dalawang oras.

Hindi pa rin nakapag bigay ng kumpletong detalye ang BFP kung magkano ang kabuuang halaga ng nasunog at kung ano ang tunay na pinagmulan nito habang isinasagawa pa ang imbestigasyon.

UPDATE:

MAYOR DE LOS SANTOS NG SLR, IKINALUNGKOT ANG PAGKASUNOG NG KANILANG LUMANG GUSALI! MGA MAHAHALAGANG DOKUMENTO NG ILANG NATIONAL GOV’T AGENCY, KASAMA SA NASUNOG!

(Kaugnay na balita)

Ikinalungkot naman ni Mayor Nelson Delos Santos ng San Lorenzo Ruiz ang naganap na sunog sa isa sa kanilang gusaling pang pamahalaan.

Anya, sa nasabing gusali ang tanggapan ng DILG, BIR, COMELEC, Municipal Trial Court, MSWDO at ang bahagi ng tanggapan ng kanilang pulisya.

Kaninang umaga, personal na ring bumisita sa lugar si Camarines Norte PNP Provincial Director SSupt. Rudolf Dimas upang tingnan ang sitwasyon.

Inamin ni Mayor Delos Santos na mahihirapan silang muling makapagpatayo ng gusali dahilan sa hindi naman sasapat dito ang kanilang MOOE kung saan dito lamang maaaring mapagkunan ng pondo para sa pagpapagawa ng gusali o pasilidad.

Sa liit ng kanilang munisipalidad, maliit din ang pondong nakalaan para sa nasabing mga pagawain. Gayunpaman, ayun pa rin kay Delos Santos, gagawa sila ng paraan o hihingi sila ng tulong mula sa pamahalaang nasyunal upang agaran din silang makapagpatayo kapalit ng natupok na gusali.

Hanggang sa mga oras na kausap ng Camarines Norte News ang alkalde, wala pa ring linaw na ulat sa kanya ang Bureau of Fire Protection kung ano talaga ang naging sanhi ng naturang sunog.

Camarines Norte News