nene608

Agosto 16, 2017, Daet, Camarines Norte – Kalunos lunos ang naging kalagayan ng isang ina matapos itong ikulong ng kanya mismong mga magulang dahil sa pagiging bayolente nito bunsod ng karamdaman sa pag iisip.

Apat na taon sa kanyang kulungan ang babaeng si Nene na dahil sa kakapusan sa buhay ay hindi maipagamot ng kanyang mga magulang.

Panganay sa magkakapatid si Nene at nang ito ay makapangasawa at magkaroon ng anak ay nagsimula nang magbago ang pag uugali nito. Nananakit at naging bayolente na ito sa kanyang mga magulang, kapatid maging sa kanyang anak.

Dahil dito, minarapat ng kanyang asawa na ilayo dito ang kanilang anak at dinala sa lalawigan ng Quezon. Bunsod din nito, mas lalo umanong lumubha ang karamdaman sa pag iisip ng naturang ina dahil sa paglayo sa kanya ng kanyang kaisa-isang anak.

Aminado ang mga magulang at kapatid ni Nene na natatakot sila sa tuwing lalapit dito dahil maliban sa pananakit ay naninigaw din ito.

Hindi na rin naging maayos ang kulungan ni Nene dahil ayaw nitong maligo. Ayun sa kwento ng nanay ni Nene, araw araw, parang dinudurog ang kanyang puso sa tuwing makikita nyang nasa loob ng kulungan ang kanyang anak na parang hayop.

Sa plastic na lamang nila inilalagay ang pag-kain ng kanyang anak dahil binabasag nito ang mga plato sa tuwing kakain.

Kamakailan, sa pamamagitan ng isang programa sa telebisyon, ang Reel Time ng GMA 7, katuwang ang MSWDO Daet, at ng Pamahalaang Panlalawigan, dinala sa isang Pagamutan sa Cadlan, Pili, Camarines Sur si Nene.

Doon nasuri ng mga doktor ang pasyente at sinabing labis na depresyon ang dinaranas ng pasyente at kinakailangan nito ang medikasyon sa tulong na din ng mga kapamilya nito.

Ang paglayo sa kanya ng kanyang anak ang isa umano sa posibleng mga dahilan ng paglala ng sitwasyon nito.

Agad din naman binigyan ng gamot ang pasyente at sa loob ng ilang araw ay nakakitaan naman ito ng pagbabago ng pag uugali. Bahagya na itong naging kalmado at nawala ang pagiging bayolente.

Subalit, makalipas lamang ang ilang araw, pinalabas na rin ito ng pagamutan at iniuwi na sa kanilang tahanan sa Brgy Bibirao.

Muli syang ibinalik sa kulungan dahil sa pangamba ng mga kaanak nito na muling manakit ng ibang tao.

Kaninang umaga, sa pagbisita ng grupo ni Ginoong Val Matubang, na isa sa tumutulong sa kay Nene, nabatid na nakalabas umano ito ng kulungan at kanilang hinanap hanggang sa matagpuan ito sa palengke ng Daet.

Nakauwi na muli sa kanilang bahay si Nene subalit hindi na ito ipinasok sa kulungan. Tuloy tuloy na rin ang pag inom nito ng gamot at nakakausap na rin ito ng maayos.

Sinabi ng magulang ni Nene na muli nilang ipapasok sa kanyang kulungan ang kanilang anak tuwing gabi sa pangambang lumabas ito ng bakuran at baka mapahamak o makapanakit ng kapwa.

Una na ring sinabi ng doktor na sumuri sa pasyente na sa ngayon ay hindi nya inirerekomenda na pauwiin na at magkita na ang mag-ina hanggat hindi pa lubos na gumagaling ang pasyente. May tamang panahon anya para dito.

Samantala, hinanap naman ng Tatay ni Nene ang asawa nito at ang kanyang anak sa lalawigan ng Quezon. Doon inamin ng asawa ni Nene na wala na syang nararamdaman para sa asawa. Gayunpaman, sinabi nito na hindi nya ipagkakait ang kanilang nag iisang anak na babae sa ina nito. Sa tamang panahon anya, dadalhin nya ito sa kanyang ina sa bayan ng Daet at magkakilala ang mag-ina.

Sa ngayon, nasa pangangalaga ng mga tiyahin ang kanilang anak. Nasa maayos anya itong kalagayan at nag aaral sa isang pribadong paaralan.

Umaasa naman ang lahat na sa tamang panahon ay mayayakap ni Nene ang kanyang anak na pansamantalang nawalay sa kanya dahil sa kanyang pinagdaraanan.

Camarines Norte News