coin.ex608

Setyembre 1, 2017, Daet, Camarines Norte – Isinasagawa ngayong araw ang Coin Exchange Caravan ng Bangko Sentral ng Pilipinas – Naga Branch sa lobby ng Houseware Plaza Department Store, Daet Camarines Norte mula 10:00 ngayong umaga hanggang 2:00 mamayang hapon.

Sa nasabing caravan, papalitan ang mga barya na nagkakahalagang piso pababa katulad ng bente singko (50 cents), diyes (10cents) at singko (5 cents) ng mga denominatons o halaga na magagamit ng mga tao sa kanilang mga pinansiyal na transaksiyon.

coin.ex608.2

Limitado lamang sa mga nasambit na halaga ang papalitan ng BSP dahil karaniwang ginagamit naman umano ang mga baryang may halagang piso pataas.

Ayon sa panayam ng Camarines Norte News kay Ma’am Florinda Joson, Senior Specialist ng BSP Naga, mahalaga umano ang naturang aktibidad na naglalayong maibalik sa sirkulasyon ang mga barya na mababa ang demoninations na hindi na umiikot dahil madalas ay hindi na ginagamit na pambayad at itinatago na lamang sa mga bahay.

Unang beses umanong ginawa ang naturang aktibidad sa lalawigan ng Camarines Norte.

Aniya, may tatlong components ang kanilang Coin Recirculation Program na sinimulan na kamakailan sa Camarines Sur.

Una ay ang Coin Exchange Counter in partnership with Camarines Sur Bankers Club kung saan naglagay umano sila ng coin exchange counters sa SM kung saan maaaring magpapalit ng mga barya tuwing araw ng sabado.

Ikalawa ay ang mismong aktibidad ngayon, ang Coin Exchange Caravan kung saan nagtutungo sila sa mga lugar upang nang sa gayon ay makapagpapalit ng mga idle coins ang mga residente.

Ikatlo ay ang Coins Saving Challenge na ginaganap sa mga paaralan kung saan maliban sa pinapalitan nila ang mga barya ng mga mag aaral, nagkakaroon din contest kung saan nagpaparamihan ang bawat sections ng paaralan ng maiipon barya at binibigyan nila ng token ang section na nakapag impok ng pinaka mataas na halaga.

Naisagawa na umano nila ito sa Camarines Sur High School at E. Rodriguez High School at may posibilidad din umanong isagawa sa paaralan sa lalawigan ng Camarines Norte subalit sa ngayon ay nasa proseso pa sila ng paghahanap ng partner school.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News