trike608

Setyembre 12, 2017, Daet, Camarines Norte – Nagpaalala sa pamamagitan ng isang facebook post si Konsehal Sherwin Asis ukol sa diumanoy ilegal na bentahan ng prangkisa ng tricycle na nagaganap sa bayan ng Daet.

Bagaman malinaw sa kautusan ng LTFRB na bawal ang pagbebenta ng prangkisa ng mga Public Utility Vehicles (PUV), may mga nakakarating pa rin umanong balita na nagpapatuloy pa rin umano ang nasambit na gawain.

May mga pagkakataon pa aniya na sa facebook pa mismo nagaganap ang pagpopost at transaksiyon ng bentahan ng prangkisa.

May mga bali-balita rin diumano na naisasangla pa sa pawnshop ang naturang mga prangkisa.

Mariin ang naging paalala at babala ng konsehal na maaarig ipatawag sa Tricycle Regulatory Unit ng Lokal na Pamahalaan ng Daet ang sinumang mapapaulat na nagbebenta ng prangkisa ng tricycle.

Base sa kautusan ng LTFRB, kung ayaw nang ituloy o gamitin ng operator ang kanyang prangkisa kailangan niya itong isuko sa gobyerno.

Bukod sa bawal ibenta ang prangkisa, hindi rin pinahihintulutan ang paglilipat nito ng pangalan sa iba.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News