paracale608

Setyembre 13, 2017, Paracale Camarines Norte – Patuloy ang pagkilos ng Pamahalaang Lokal ng Paracale upang mapagsilbihan ng maayos ang mga mamamayan at mas mapaunlad pa ang kanilang bayan.

Ito ang naging pahayag ni Mayor Lourdes Briguera ng bayan ng Paracale sa naging panayam sa kanya ng Cool Radio News Fm kaninang umaga.

Ayon sa alkalde, ilan sa mga programang isinusulong ngayon ng Lokal na Pamahalaan ng naturang bayan ay ang Tesda Trainings na kanilang pinondohan para sa mga outh of school youths nang sa gayon aniya ay mas mapadali ang paghahanap ng trabaho ng mga kabataan at magkaroon ang mga ito ng maayos na trabaho.

Naglaan din umano sila ng financial assistance at trainings para sa mga magsasaka upang mas mapalawig pa ang sektor ng agrikultura sa kanilang bayan.

Hiniling din umano ng alkalde sa kanilang District Engineer na dagdagan pa ang nakalaang pondong Php 150M para sa itatayong seawall upang maisakatuparan na ang kanilang planong itayong Paracale Golden Boulevard.

Dagdag pa dito, hiniling din umano ng alkalde ang pagsasaayos sa mga sirang drainage canal sa kanilang lugar.

Patuloy rin umano ang pagsusulong na magkaroon na ng minahang bayan sa naturang lugar upang makabalik na sa paghahanap buhay ang maliliit na mga minero.

Sa huli, nangako ang alkalde na hindi titigil ang kaniyang pamunuan sa pagsisilbi upang mas mapaunlad pa ang kanilang bayan.

 

Camarines Norte News