before2-608 after2-608

Setyembre 15, 2017, Labo, Camarines Norte – Nagpaabot ng pasasalamat ang mga residente ng Barangay Napaod sa pamamagitan ng kanilang Pamunuan ng Barangay sa Pamahalaang Lokal ng Labo, Pamahalaang Panlalawigan, Sangguniang Panlalawigan at sa GALEO Equipment Corporation dahil sa pagtugon sa kanilang panawagan na isaayos ng Venida Pit na matatagpuan sa kanilang barangay.

Sa pamamagitan ng inaprubahang resolusyon noong nakatalikod na Setyembre 4, 2017, ng Konseho ng Barangay Napaod, na may bilang 29-2017, lubos ang naging pasasalamat ng mismong mga opisyal ng barangay at mga namamaranggay dito dahil nawala na ang kanilang pangamba sa panganib na maaari sanang maidulot ng nakatiwangwang na Venida Pit sa matagal ding panahon.

Magugunitang nitong mga nakatalikod na buwan ay mag-isang tumugon sa panawagan ng pagsasaayos ang GALEO Equipment Corporation, isa sa dalawang kumpanyang inatasan ng pamahalaang lokal ng Labo at ng Sangguniang Panlalawigan na magsagawa ng pagsasaayos sa naturang lugar.

before1-608

after1-608

Samantala, nito lamang nakatalikod na Setyembre 13, 2017, pormal na isinagawa ang Blessing and Presentation ng Open Pit Remediation Project na sinaksihan ng mga opisyal ng lalawigan na pinangunahan ni Vice Governor Jonah Pimentel at mga kasamahan nito sa Sangguniang Panlalawigan, gayundin ng mga opisyal ng Bayan ng Labo na pinangunahan mismo ni Mayor Joseph Ascutia at Vice Mayor Jojo Francisco.

Masaya ang mga residente ng Brgy Napaod dahil napalitan ng tuwa at pag-asa ang kanilang dating pangamba sa naturang malaking hukay, dahil bukod sa ligtas na ito, ang pamunuan ng GALEO ang nagpahayag ng interes na makipagugnayan sa lokal na pamahalaan upang makipagtulungan na gawin itong tourist attraction. Sa ngayon ay tuloy tuloy naman umano ang kanilang pagpapaganda ng lugar bilang tugon sa kahilingan ng mga opisyal at mga residente.

Ayun naman sa mga opisyal ng barangay Napaod, isa itong malaking oportunidad sa kanilang mga kabaranggay para sa posibleng karagdagang pagkakakitaan kung sakaling ganap nga itong magiging tourist attraction, subalit sa ngayon pa lamang ay ganap na ang kanilang kapayapaan sa kalooban dahil sa pagsasaayos nito.

 

Samantala, narito ang kabuuang nilalaman ng resolusyon na inaprubahan ng Sangguniang Barangay ng Napaod:

Republika ng Pilipinas

LALAWIGAN NG KAMARINES NORTE

Bayan ng LABO

BARANGAY NAPAOD

-oOo-

 

TANGGAPAN NG SANGGUNIANG BARANGAY

 

SIPI SA KATITIKAN NG IKA-17 KARANIWANG PAGPUPULONG NG SANGGUNIANG BARANGAY NAPAOD, LABO, CAMARINES NORTE NA GINANAP NOONG IKA- 04 NG SEPTYEMBRE 2017 GANAP NA IKA-01 NG HAPON SA SANGGUNIANG BARANGAY SESSION HALL, BARANGAY NAPAOD, LABO, CAMARINES NORTE.

 

                Mga Dumalo:

 

                                                Kgg. Antonio A. Camoñas                             – Punong Barangay

                                                                                                                                  Punong Tagapagpadaloy

                                                Kgg. Arnel V. Rubi                                            – Kasapi ng Sangguniang Barangay

                                                Kgg. Felix C. Malunas                                     –                              -do-

                                                Kgg. Amelita V. Baning                                  –                              -do-

                                                Kgg. Pio A. Garido                                           –                              -do-

                                                Kgg.  Teresita R. Aloc                                      –                              -do-

                                                Kgg. Jesus P. Rafer                                          –                              -do-

                                                Kgg.  Jestony N. Pardo                                   –                              -do-

 

                Lumiban:

                                                Wala    

 

                                                                                KAPASYAHAN BLG. 29-2017

 

KAPASYAHANG NAGPAPAABOT NG TAUS-PUSONG PASASALAMAT ANG SANGGUNIANG BARANGAY AT MGA MAMAMAYAN NG BARANGAY NAPAOD, LABO, CAMARINES NORTE SA MGA PINUNO NG PAMAHALAANG BAYAN NG LABO, MGA PINUNO NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG CAMARINES NORTE AT SA GALEO EQUIPMENT CORPORATION SA PAGTUGON SA MGA HINAING AT PANAWAGAN NG SANGGUNIANG BARANGAY NAPAOD KAUGNAY SA PAGSASAAYOS NG VENIDA PIT.

 

Samantala, ang usapin kaugnay sa mininang lugar sa barangay Napaod na tinawag na “Venida Pit” ay nagsimula noong pang taong 2014 na kung saan ang Sangguniang Barangay Napaod ay hindi na tumitigil sa pagkatok at pakiusap sa mga pinuno ng bayan at lalawigan upang ang nasabing naiwang minahan ay maisaayos ng kinauukulang kompanya na responsible sa nasabing pagmimina;

 

Samantala, sa patuloy na pagsubaybay ng Sangguniang Barangay Napaod sa mga resolusyong kanilang ginawa at sa patuloy ding pakikipag dayalogo sa Sangguniang Bayan at Sangguniang Panlalawigan ay nabuo ang isang plano na atasan ang mga kompanyang Mt. Labo Exploration and Development Corporation na magsagawa ng mitigating measures sa lugar ng Venida Pit upang mapangalagaan ang siguridad ng mga mamamayan sa nasabing barangay at maibalik din ang nasirang kapaligiran;

 

Samantala, dahilan sa hindi pagtugon ng Mt. Labo Exploration and Development Corporation na gawin ang nararapat na mitigating measures ay inatasan din ng Sangguniang Bayan ng Labo ang kanilang kasamahang kompanya, ang Galeo Equipment Corporation na tumulong sa mitigation activities at mag sumite ng plano kung paano gagawin ang nasabing mitigating measures;

 

Samantala, bilang pagtalima sa kapasyahan ng Sangguniang Bayan ay kaagad namang naisagawa ng Galeo Equipment Corporation ang mitigating measures at ang nasabing gawain ay personal na binantayan ng mga opisyales ng Sangguniang Barangay simula sa unang bahagi ng gawain hanggang sa pagtatapos nito at naging kasiya-siya sa mga mamamayan ng barangay ang naging resulta ng mitigating measures na ginawa ng Galeo Equipment Corporation;

 

Samantala, sa kasalukuyan ay halos tapos na ang nasabing gawain at nasisiguro na ang patuloy na panunumbalik ng nasirang kapaligiran at napawi na rin ang pangamba ng mga pinuno ng Barangay ukol sa kapahamakang maaaring idulot ng Venida Pit;

 

Kung kaya’t, matapos ang masusing talakayan ng Sangguniang Barangay ay imunungkahi ng lahat;

 

NAPAGPASYAHANG IPAABOT ANG TAUS-PUSONG PASASALAMAT NG SANGGUNIANG BARANGAY AT MGA MAMAMAYAN NG BARANGAY NAPAOD, LABO, CAMARINES NORTE SA MGA PINUNO NG PAMAHALAANG BAYAN NG LABO, MGA PINUNO NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG CAMARINES NORTE AT SA GALEO EQUIPMENT CORPORATION SA PAGTUGON SA MGA HINAING AT PANAWAGAN NG SANGGUNIANG BARANGAY NAPAOD KAUGNAY SA PAGSASAAYOS NG VENIDA PIT.

 

NAPAGPASYAHAN ding padalhan ng sipi ng Kapasyahang ito ang tanggapan ng Kgg. Punong Bayan Joseph V. Ascutia, tanggapan ng Sangguniang Bayan ng Labo sa pamamagitan ng Kgg. Severino H. Francisco, Jr., tanggapang ng Kgg. Punong Lalawigan Edgardo A. Tallado, tanggapan ng Sangguniang Panlalawigan sa pamamagitan ng Kgg. Jonah G. Pimentel, Galeo Equipment Corporation sa pamamagitan ni G. Edmidio V. Ramos Jr. at iba pang tanggapang may kinalaman dito para sa kanilang kaalaman.

 

Pinatutunayan ko ang kawastuhan ng kapasyahang ito.

 

 

LITO A. GOYALA

Barangay Secretary

 

                                                                                Pinagtibay:

 

                                                                                                                ANTONIO A. CAMOŇAS

                                                                                                                      Punong Barangay