drown1.608

Setyembre 18, 2017, Labo, Camarines Norte – Matapos ang dalawang araw na retrieval operation, nakuha na kaninang 6:00 ng umaga ang bangkay ng lalaking nalunod sa bahagi ng Brgy. Malangcao Basud, Labo, Camarines Norte.

Kinilala ang nasawing si Alexander Mapusao, 54 anyos, residente ng Purok 1 ng nasambit na barangay.

Ayon sa panayam ng Dwlb Fm kay Kapitan Michael Rigodon ng naturang barangay, tumawid umano si Mapusao sa ilog nitong nakatalikod na araw ng Sabado kasama ang dalawang alaga nitong kalabaw.

Sa hindi inaasahang pangyayari ay bumalik ang isa sa mga kalabaw dahilan para habulin ito ni Mapusao at naging dahilan ng pagkalunod nito.  Posible umanong nasagi ng sungay o nasipa ito ng kalabaw dahil sa mga nakitang sugat nito sa mukha.

Nabatid na dakong 12:30 ng hapon nitong nakatalikod na Setyembre 16, 2017 nang mawala ang biktima at tinangka pa itong sagipin subalit sa kasawiang palad ay hindi ito agad na nakita.

Umabot ng dalawang araw ang retrieval operation na isinagawa ng Sangguniang Barangay ng Malangcao Basud sa tulong ng MDRRMO Labo at PDRRMO bago tuluyang narekober ang katawan ng biktima kaninang umaga.

Sumailalim na sa post-mortem examination ang bangkay ng biktima upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay nito.

drown2.608

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News

Details and photos courtesy of Dwlb Fm