beshie

“Piliin mong maging ikaw”, ang sabi ng isang patalastas ng alak. “Piliin mong maging bukas, piliin mong maging malaya, piliin mong maging masaya, piliin mong maging totoo. Piliin mong maging ikaw ano man ang sabihin ng iba”

Madaling sabihin pero mahirap gawin. Paano kung katulad ka ni Marlu Arizala? Hindi ka biniyayaan ng kagandahan o kaguwapuhan. Pipiliin mo pa ba ang maging ikaw?

Para sa akin gusto kong tingnan sa positibong pananaw ang pagbabago ni Marlu tungo sa pagiging Xander. Dahil napanood ko ang una niyang interview, nakita ko na kahit ordinary ang kanyang hitsura nagawa niyang piliin ang sarili niya. Nagtiwala siya sa kanyang sarili. Naniwala siya na hindi hadlang ang kanyang hitsura sa kanyang pagsikat.

Mas una dapat ang magtiwala kesa sa pagpili. Mahirap pumili kung may pagdududa sa sarili. Bago mo piliin maging ikaw kailangan mo muna itong pagtiwalaan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga taong may tiwala sa kanilang sarili ay madaling kausap kasi madali silang magdesisyon at hindi pabago-bago. Alam nila king ano ang gusto nila at naniniwala sila rito.

Sa panahon ngayon ng social media, madali kang maimpluwensiyahan kapag wala kang tiwala sa sarili. Mas madali kang mabully at mainsecure. Kadalasan mas gusto mo na lang ang sumunod sa iba o piliin ang path of less resistance dahil takot kang magdesisyon. Ayaw mong magkamali dahil wala kang tiwala sa sarili mo na kaya mo itong harapin.

Mahirap sa akin ang magtiwala dahil pinalaki akong maging maingat at sigurista. Payo lagi ng tatay ko na huwag magtiwala sa mga tao lalo na sa hindi kakilala dahil ayon sa kanya maraming masamang tao sa mundo. Ang nangyari tuloy pati sa sarili ko nawalan ako ng tiwala. Ok siguro ito kung bata ka pa at may magtatanggol sa iyo pero kung nasa tamang edad ka na magiging hadlang ito sa iyong growth at development bilang individual.

Noong naging OFW ako sa Saudi pinili kong magtiwala kesa sumunod sa payo ng tatay ko. Mahirap mang gawin pinili kong magtiwala at ituring na kapamilya ang lahat ng kasama ko sa trabaho anuman ang posisyon at nasiyonalidad nila. Nagtiwala ako sa sarili ko na kaya kong piliin nang tama ang mga taong dapat kong pagtiwalaan.

Sabi ng mga kasama kong Filipino huwag akong magtiwala sa ibang lahi lalo na sa mga Saudi dahil mapapahamak daw ako. Gusto kong maniwala pero nanaig ang pagnanais ko na piliin ang maging bukas sa bagong karanasan at ibang perpective na matututunan ko. Kasama ng pagtitiwala sa kanila pinili ko ring maging bukas at makinig sa kanilang mga kuwento at karanasan sa kanilang bansa at kultura. Dahil sa pagiging bukas kasama ang respeto at pagtitiwala nirespeto din nila ako at pinagtiwalaan. Sumama ako s kanila sa pamamasyal, panonood ng football at pamimili.

Dito ko natutunan na hindi din sila iba sa atin. Mahalaga rin sa kanila ang pamilya at mga kaibigan pero a kanila ko lang naramdaman ang masidhing pagmamahal sa bansa na bihira kong maramdaman sa mga pinoy kong kasama. Dahil sa mga kaibigan ko na galing sa India at Egypt mas napukaw ang aking nationalismo dahil very proud sila sa kanilang bansa at kultura. Marami akong natutunan na iba pala sa mga nabasa ko sa mga history books.

Hindi ako nagkamali na magtiwala sa mga ibang lahi dahil natamo ko ang mataas na respeto na  hindi kayang tumbasan ng pera. Proud ako na mag-isang Filipino at Kristiyano sa kumpanya namin na inanyayahang makasalo sila sa pagkain pagkatapos ng fasting ng Ramadan. Sabi ng kaibigan kong Muslim hindi ka nila papayagang sumalo sa kanila sa pagkain lalo na kung iba ang relihiyon mo kung wala silang tiwala sa iyo.

Alam kong mahirap magtiwala sa panahon ngayon dahil marami talaga ang mapagsamatala pero pwede naman nating pagtiwalaan ang sarili na alam niya kung sino ang puwede at hindi puwedeng pagtiwalaan. Mahirap umunlad kung may trust issue tayo lalo na sa sarili. Magkamali man tayo, magtiwala pa rin tayo na kaya nating tanggapin ang sakit at bumagon muli. Tulad ni Marlu naniniwala ako na kaya nating magtransform at maging Xander Ford sa anumang larangan o aspeto na gustuhin natin. Tiwala lang mga beshie. Tayo pa ba?

beshie1

 

Cresencio Bonifacio Adlawan