paracalenew608

Oktubre 12, 2017, Paracale, Camarines Norte –Patay ang isang binata sa bayan ng Paracale matapos aksidenteng malunod sa may bahagi ng Fishport sa Barangay Poblacion Norte sa bayan ng Paracale kamakalawa, Oktubre 10, 2017.

Kinilala ang biktimang si Romel Romano y Mendoza alias Sadam, 26 anyos, binata, huling nanirahan sa Brgy. Pinagtigasan, Vinzons, Camarines Norte.

Sa imbestigasyon ng Paracale Municipal Police Station, dakong 5:30 ng madaling araw kamakalawa nang mahulog ang sagwan ng binata habang naghahanda ito ng bangka na gagamitin sa pangingisda dapat nang araw na iyon.

Sumisid umano sa tubig ang biktima upang kunin ang nahulog na sagwan subalit sa hindi inaasahan ay tinangay ito ng malakas na alon at tuluyan nang nalunod.

Dakong 7:40 na ng umaga nang makuha ang katawan ng biktima sa Tugos Bridge sa naturang bayan.

Sinubukan pang dalhin sa Camarines Norte Provincial Hospital Annex sa Brgy. Talobatib sa bayan ng Labo ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News