LTFRB3

Oktubre 16, 2017, Daet, Camarines Norte – Tuloy at matagumpay kahit inabot na nang ulan ang isinagawang tree planting activity ng ibat ibang transport groups sa rehiyong Bicol sa pangunguna ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 5.

LTFRB1

Isinagawa ang naturang aktibidad nitong nakatalikod na Oktubre 13, 2017 sa Brgy. Gubat, bayan ng Daet, Camarines Norte.

Personal na dumalo at nakiisa sa pagtatanim ng mga pananim na puno si LTFRB Regional Director Jun Abrazaldo.

LTFRB2

Sa panayam ng Cool Radio News Fm sa opisyal, malaking bagay umano nasabing gawain upang makatulong sa pagsasaayos ng kalikasan. Batid umano niya na isa sa mga nakakasira ng kalikasan ang polusyong dala ng mga sasakyan kung kayat isa umanong pamamaraan upang makabawi sa kalikasan ang pagtatanim ng mas marami pang puno.

LTFRB5 LTFRB4

Ayon kay Abrazaldo, nilahukan ang naturang tree planting ng mga operators at kanilang mga empleyado mula sa ibat ibang transport sectors sa Naga City, Legazpi at bayan ng Daet.

Bago ito, nilimitahan umano nila ang dami ng dadalo sa naturang gawain upang hindi naman maparalize ang biyahe sa mga lugar kung saan nagmula ang mga nakiisa.

Mahigit isang libong (1000) pananim na ng matitibay na punong kahoy tulad ng narra at kamagong ang ibinigay sa kanila ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Naging punong abala naman sa paghahanda ng mga pananim na puno para sa naturang aktibidad ang  LGU Daet sa pamumuno ni Mayor Benito Ochoa at Pamahalaang Barangay ng Gubat sa pangunguna ni Punong Barangay Nestor Dacillo.

Dagdag pa ng opisyal, pang limang (5th) beses na umano nilang isinagawa ang katulad na tree planting activity sa rehiyon bilang pagpapahalaga sa kalikasan.

Samantala, kinumpirma naman ni RD Abrazaldo na tuloy na nga ang pagbubukas ng satellite office ng LTFRB sa lalawigan ng Camarines Norte. Posible umano itong buksan sa una (1st) hanggang ikalawang (2nd) linggo ng Nobyembre 2017.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News

Photos courtesy of Ricky Pera and Janjo Villaluz