olshop608

Oktubre 22, 2017, Daet, Camarines Norte – Siniguro ni DTI Provincial Director Cynthia Olaguer sa ginanap na Talakayan sa PIA na maging ang mga consumers na tumatangkilik ng online selling ay sakop pa rin ng consumer protection act.

Aniya, isa sa mga itinataguyod ng tanggapan ang “marketing promotion of products through social media” kung kayat sinusuportahan nila ang online selling bilang epektibong pamamaraan ng pagbebenta ng produkto dahil sa lawak ng naaabot nito sa pamamagitan ng mga social media websites.

Gayunpaman, dahil sa dumaraming online sellers, nararapat umano na maging mas mapanuri ang mga consumers at piliin nang mabuti kung saan sila oorder ng mga produkto.

Dagdag pa ng direktor, nakapaloob rin umano sa mga probisyon ng R.A. 7394 o Consumer Act of the Philippines na maaring baguhin, palitan o ayusin ang mga depektibong produktong mabibili ng consumer maging sa online man ito nabili.

Napapanahon din umano ang nasambit na usapin lalo na ngayon na may temang “Consumer Rights in the Digital Age” ang ipinagdiriwang na Consumer Welfare Month ngayong taon kung saan binibigyang pansin ang pagpapaigting ng kamalayan ng mga consumers sa digital economy.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News