mercedesmap608

Nobyembre 10, 2017, Mercedes, Camarines Norte – Tama ng saksak sa tiyan ang tinamo ng isang mangingisda mula sa pananaksak ng isang lalaki sa Mercedes, Camarines Norte kagabi, Nobyembre 9, 2017.

Kinilala ang biktima na si Edgar Encinas y Parcia, 52 anyos, biyudo, mangingisda at residente ng Barangay 3, Mercedes, Camarines Norte.

Base sa imbestigasyon ng Mercedes Municipal Police Station, dakong 7:40 kagabi,habang nag iigib ang biktima sa nasambit na lugar,bigla na lamang umanong lumapit ang suspek na si Angelo Mendiola y Altabano, 36 anyos, may asawa at residente ng Purok 1 ng parehong barangay.

Nagulat na lamang umano ang biktima nang undayan ito ng isang (1) saksak sa tiyan ng suspek na pinaniniwalaang nasa impluwensiya ng alak.

Agad na tumakas ang suspek patungo sa hindi matukoy na direksiyon habang isinugod naman sa Camarines Norte Provincial Hospital ang biktima para sa atensiyong medikal.

Inaalam pa ang motibo sa naganap na pananaksak.

Nagsasagawa na rin ng follow up investigation ang Mercedes PNP upang matukoy ang kinaroroonan ng suspek at ikadarakip ditto habang inihahanda na rin ang kaukulang kasong isasampa laban dito.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News