drowned608

Nobyembre 10,2017, Mercedes, Camarines Norte – Wala ng buhay nang matagpuan ang katawan ng isang lalaki na nalunod sa dagat sa may bahagi ng Purok 3, Barangay 4, Mercedes, Camarines Norte dakong 10:00 ng umaga kahapon, Nobyembre 9, 2017.

Kinilala ang biktima na si Jeonito Vender, 50 anyos, mangingisda at residente ng nasambit na lugar.

Ayon sa tala ng Mercedes Municipal Police Station, huling nakita ang biktima na naglalakad sa tabing dagat na sakop ng naturang lugar dakong 2:00 ng madaling araw kahapon din.

Pinaniniwalaang nawalan ng malay ang biktima na diumano ay nasa impluwensiya ng alak at posibleng tinangay ng malakas na alon sa malalim na bahagi ng dagat na naging sanhi ng pagkalunod nito.

Nagsasagawa na ng follow up investigation ang Mercedes PNP ukol sa insidente habang sumasailalim na rin sa post mortem examination ang bangkay ng biktima.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News