mercedesmap608

Nobyembre 13, 2017, Mercedes, Camarines Norte – Nauwi sa isang insidente ng pananaksak ang inuman ng dalawang lalaki sa Purok 2, Brgy. Del Rosario, Mercedes, Camarines Norte dakong 11:55 ng tanghali kahapon, araw ng linggo.

Kinilala ang biktima sa naturang insidente na si Julie Esperida y Tucar, 29 anyos, construction worker at residente ng nasambit na lugar.

Sa imbestigasyon ng Mercedes Muncipal Police Station, habang nag iinuman ay nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan ang biktima at suspek na si Rommel Lopez y Supion, 25 anyos, construction worker at residente din ng nasambit na lugar.

Nauwi umano sa mainit na pagtatalo ang hindi pagkakaintindihan ng dalawa at sa hindi inaasahan ay bigla na lamang umanong hinampas ng bote ng alak ng suspek ang biktima sa mukha nito.

Matapos mabasag ang bote dahil sa paghampas, kumuha pa umano ng piraso ng nabasag na bote ang suspek at maka ilang ulit na sinaksak ang biktima gamit ito.

Agad naman isinugod sa Camarines Norte Provincial Hospital ang biktima na sa kasalukuyan ay nilalapatan na ng lunas.

Naaresto naman ng mga rumispondeng Barangay Tanod ang suspek at naiturn over na rin sa Mercedes MPS para sa kaukulang disposisyon.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News