pagsangahan1

Nobyembre 14, 2017, Basud, Camarines Norte – Dalawa (2) ang dead on the spot habang ginagamot na ang apat (4) pang lalaking lulan ng isang delivery truck na aksidenteng bumaliktad sa bahagi ng Pagsangahan bridge sa  Purok 3, Brgy Pagsangahan, Basud Camarines Norte dakong 10:35 kaninang umaga.

pagsangahan2

Kinilala ang dalawang nasawi na sina Abner Sayno at Jerwin De Mesa habang sugatan naman at ginagamot na sa panlalawigang pagamutan sina Michael Villamante, Nelson Galves Cabrejas, Elmer Gabor Olboc at Marvin Gualin.

Ayon sa tala ng kapulisan, galing umano sa bayan ng Daet ang naturang truck at patungo sana sa Brgy. Patag, San Lorenzo Ruiz. Nang makarating sa lugar ng insidente, aksidente umanong bumukas ang pinto sa may driver’s side ng truck kung saan tinangka umano itong sarhan ng driver.

Doon na umano nawalan ng kontrol sa manibela ang driver at aksidente nang bumangga ang truck sa railings ng tulay hanggang sa bumaliktad ito.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa pa ng follow up investigation ang Basud MPS para sa iba pang detalye sa naturang aksidente.

 

Camarines Norte News