labomap608

Nobyembre 29, 2017, Labo, Camarines Norte – Matagumpay na isinagawa ang inauguration ng TB DOTS Building na matatagpuan sa loob ng mismong compound ng Labo District Jail kahapon.

Ayon sa naging panayam ng Cool Radio News Fm kay BJMP Regional Director S/Supt. Winifredo Abordo na personal na dumalo sa inagurasyon, kauna-unahan umanong binuksan sa buong rehiyong Bicol ang naturang TB Dots Center sa Labo District Jail. Aniya, nagtatayo rin ng kahalintulad na gusali sa malalaking piitan sa buong Bicol subalit una itong natapos.

Kasabay nito, sumailalim sa TB Mass screening ng DOH-Bicol ang mga personel ng Labo District Jail ganun din ang nasa 172 inmates.

Ang pagtatayo ng naturang gusali sa loob ng compound ng piitan ay isa sa mga programa ng Department of Health (DOH) sa pakikipagtulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na naglalayong wakasan ang mga kaso ng Tuberculosis na pangalawa sa listahan ng mga sakit na nagiging sanhi ng pagkamatay ng mga inmates sa loob ng piitan ayon sa mga pag aaral.

Sa pamamagitan ng TB DOTS Center na ito ay direktang mamomonitor ng mga health personel ang  kalusugan ng mga inmates at agad na malalapatan ng lunas kung mayroon mang mag positibo sa nasambit na sakit upang maiwasan ang pagkalat nito sa kadahilanang ito ay nakakahawa.

Bukod dito, siniguro din ng director na nagsasagawa sila ng decongestion sa mga congested na piitan kabilang na ang Ditrict Jails sa bayan ng Labo at Daet. Sa katunayan aniya ay 30 milyon halaga ang nakalaan para sa Bicol mula sa 2 bilyon na pondong inilaan ng pamahalaan sa pagtatayo ng mga bagong gusali upang tugunan ang problema ng pagsisikip na bunsod ng pagdami ng mga inmates.

 

 

Camarines Norte News