daguit3

Disyembre 2, 2017, Labo, Camarines Norte – Isa ang nasawi habang anim ang sugatan sa tropa ng kapulisan matapos tambangan ng hindi nakilalang armadong grupo ang dalawang police mobile ng Provincial Public Safety Company (PPSC) ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) sa Sitio Binuang, Brgy. Daguit, Labo, Camarines Norte.

Batay sa paunang impormasyon ng kapulisan, dakong 1:00 ng madaling araw kanina, Disyembre 2, 2017  nang maganap ang engkwentro sa pagitan ng mga local communist terrorist (LCT) at sampung (10) miyembro ng kapulisan na lulan ng dalawang (2) police mobile na nagsasagawa ng internal security operation sa naturang lugar at pabalik na sana sa provincial command nang paulanan ang mga ito ng bala.

daguit1

daguit2

Nasawi sa naturang engkwentro si PO2 Richard M. Abad habang sugatan naman sina PO2 Ronald Gutierrez, PO2 Ericson De Vera, PO1 Jeffrey Tarrobago, PO1 Pedro Valeros, PO1 Romar Umandap at PO1 Johnson España, pawang mga nakatalaga sa CNPMFC, CNPPO.

Agad na nagtungo sa lugar ng engkwentro ang mga personel ng CNPPO, CNPMFC at AFP  sa pangunguna ni S/Supt. Cerillo Trilles, Provincial Director ng CNPPO matapos makarating sa provincial command ang impormasyon ukol sa pananambang dakong 2:00 ng madaling araw.

Agad ding dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital ang mga sugatang miyembro ng kapulisan habang nagsasagawa naman ng hot pursuit operation ang mga miyembro ng CNPMFC sa pangunguna ni Psupt. Elmer Mora, Force Commander ng CNPMFC katulong ang Philippine Army sa pangunguna ni Capt. Casilla upang tugisin ang tumakas na armadong grupo.

daguit4

Samantala, labis naman ang pasasalamat ng mga nakaligtas na miyembro ng Sniper Owners Club (SOC-DAET), isang grupo ng mga riders mula sa bayan ng Daet na kasalukuyang binabaybay ang kalsada sa nasambit na lugar nang maganap ang bakbakan.

Sa pamamagitan ng isang facebook page, ipinaabot ng isa sa mga nakaligtas ang kaniyang pasasalamat sa pangalawang buhay na ipinagkaloob sa kanila matapos maligtas sa naturang engkwentro. Patungo umano ang kanilang grupo sa kamaynilaan nang pagsapit sa naturang lugar ay nakarinig sila ng pagsabog na sinundan ng mga putok ng baril.

Pumihit agad umano patungo sa bayan ng Labo ang kanilang grupo habang naiwan sa lugar ang ilan sa kanilang miyembro na maswerte namang nakapagtago at nakaligtas matapos maipit ng halos isang oras sa gitna ng bakbakan.

Sinisiguro naman ng PNP na kumikilos sila upang siguruhin ang kaligtasan ng buong probinsiya, Nananawagan rin ang kapulisan sa publiko na ipaabot sa kanila ang anumang impormasyon partikular na sa kinaroroonan ng mga tumakas na grupo.

 

Camarines Norte News

Photos from SM Rey Kenneth Oning of Dwlb Fm-Labo and Ricky Pera