laboxmas608

Disyembre 4, 2017, Labo, Camarines Norte – Nagliwanag ang kasentruhan ng bayan ng Labo sa isinagawang simultaneous switching on ng christmas lights at fireworks display kagabi na pinangunahan ni Mayor Joseph V. Ascutia ng naturang bayan.

Nabatid na pangatlong taon nang isinasagawa sa naturang bayan ang sabay sabay na pagpapailaw sa mga kalsada, sa people’s park at sa mismong gusali ng Pamahalaang bayan na inaabangan ng libu libong Laboeño na nagtutungo sa sentro ng bayan upang masaksihan ito.

Sa naging panayam ng Cool Radio News Fm kaninang umaga kay Vice Mayor Jojo Francisco ng bayan ng Labo, sinabi nito na naging matagumpay ang naturang pagpapailaw dahil sa pamumuno ni Mayor Joseph Ascutia at ng Sangguniang bayan gayundin ang pakikiisa at suporta ng mga kababayan na nakilahok sa adopt a hall at adopt a tree project – isang kumpetsiyon kung saan nilalagyan ng makukulay at nagliliwanag na Christmas decors ang mga puno at gusali sa bayan partikular na sa Labo People’s park.

Ipinagmalaki rin ng opisyal na naging posible ang naturang gawain dahil umano sa sapat na panahon, tamang pagpaplano, maagang paghahanda at mabilis na tugon at partisipasyon ng mga mamamayan sa panawagan ng Alkalde.

Aniya, nakakatuwa umano na hindi lamang munisipyo ang gumagalaw kundi pati ang mga nasa barangay upang pasiglahin ang pagdiriwang ng kapaskuhan sa nasambit na bayan.

Sa huli ay inanyayahan ng bise alkalde ang lahat na dalawin ang kanilang bayan upang personal na makita ang nagliliwanag na mga palamuti na simbolo ng pagdiriwang ng kapaskuhan.

 

Camarines Norte News

Photo courtesy of Dwlb Fm Labo