mercedesmap608

Disyembre 6, 2017, Mercedes, Camarines Norte – Wala ng buhay nang matagpuan ang isang 49 anyos na lalaki sa tabing ilog na sakop ng Barangay 2 sa bayan ng Mercedes dakong 12:30 ng madaling araw kahapon, Disyembre 5, 2017.

Kinilala ang biktima na si Florencio Narvaiz y Dominguez, 49 anyos, may kinakasama at residente ng Purok 3, Brgy. 2 ng nasambit na bayan.

Base sa imbestigasyon ng Mercedes Municipal Police Station, bago matagpuan ang biktima, umalis umano ito sakay ng bangkang pangisda at sinabi sa kinakasamang si Roseann Garsota na pupunta ito sa pag aari nitong fishpond sa nasambit na lugar.

Nang hindi na umano umuwi ang biktima, hinanap ito ng kinakasama at doon na natagpuan ang katawan nito na wala ng buhay at nakabulagta sa tabing ilog na kalapit ng pag aari nitong fishpond kung saan ito huling nagtungo.

Pinaniniwalaang nalunod ang biktima sa ilog matapos na madulas sa maputik na bahagi ng lugar at mauntog sa matigas na bagay.

Napag alaman din na hindi nakakalangoy ang biktima dahil sa kapansanan nito sa kanang paa.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng follow up investigation ang Mercedes PNP at sasailalim na rin sa post mortem examination ang katawan ng biktima upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay nito.

 

Camarines Norte News