mam.joan608

Enero 7, 2017, Daet, Camarines Norte – Patuloy ang isinasagawang surpresang pagbisita ng joint inspection team ng Pamahalaang Lokal ng Daet sa pamumuno ni Mayor Benito “B2K’’ Ochoa sa mga business establishments sa bayan ng Daet.

Ito ang kinumpirma ni Municipal Administrator Joan Kristine Tabernilla – De Luna sa publiko kasabay ng kaniyang isinagawang welcome address sa pagbubukas ng Business One Stop Shop (BOSS) at Awarding Ceremony ng Top 10 Performing Business Establishments sa Daet Municipal Hall nitong nakatalikod na Enero 3, 2017.

Aniya, layunin nito na masigurong sumusunod ang lahat ng mga may ari ng negosyo sa bayan ng Daet sa mga guidelines na itinakda ng Lokal na Pamahalaan partikular na sa pagkuha ng business permits at pagtalima sa licensing systems.

Magugunitang sinimulan ang nasambit na ocular inspection Agosto nitong nakatalikod na taong 2017 base sa Executive Order No.30 na ibinaba ng naturang alkalde.

Nabatid na sa dalawang magkasunod na taon ng panunungkulan ni Mayor Ochoa ay nalampasan ng Municipal Treasurer’s Office (MTO) ang kanilang target collection bunga na rin ng masugid na pagmomonitor ng alkalde sa tamang pagbabayad ng buwis ng mga business enterprise sa bayan ng Daet.

Bunsod nito, nais ng Ochoa administration na maging patas umano para sa lahat ang sistema ng pagbubuwis maging malaki o maliit man ito na negosyo dahil sa pamamagitan nito ay mahihikayat ang mga negosyante maging ang publiko na magdeklara ng tunay na kita at magbayad ng tamang buwis.

 

Camarines Norte News