labomap608

Enero 10, 2018, Labo, Camarines Norte –  Nakahandusay, duguan at wala ng buhay nang matagpuan ang katawan ng isang 17 anyos na dalagita sa loob ng banyo ng Room 206, Labo Apartelle,  Eusebia St, Brgy. Pinya, Labo, Camarines Norte dakong 5:00 ng hapon kahapon, Enero 9, 2018.

Ayon sa imbestigasyon ng Labo Municipal Police Station, dakong 1:30 ng hapon ng parehong araw nang magcheck-in ang biktima sa nasambit na apartelle kasama ang isang nasa hustong edad na lalaki.

Makalipas ang kalahating oras matapos magcheck in ay nagmamadali umanong umalis ang lalaki habang naiwan naman sa loob ng kwarto ang biktima.

Nang lumipas na umano ang check out time ay nagtungo ang bellboy ng apartelle sa naturang kwarto at narinig na bukas ang gripo dahilan para tingnan nito ang loob at doon na tumambad ang katawan ng wala ng buhay na biktima na halos naliligo sa sarili nitong dugo.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Labo PNP at CNPCLO na hinampas ng matigas na bagay ang ulo ng biktima na siyang naging sanhi ng agaran nitong pagkamatay.

Positibong kinilala ng tiyuhin ng biktima ang 17 anyos na biktima na residente ng Brgy. Dahikan, Jose Panganiban, Camarines Norte subalit minabuting itago ang pagkakakilanlan nito dahil sa ito ay isang menor de edad.

Ayon sa pahayag ng tiyuhin ng biktima, dakong 8:00 ng umaga kahapon nang magpaalam ang dalagita na tutungo sa bayan bayan ng Labo upang makipagkita sa 48 anyos na live in partner nito na siya ngayong itinuturong suspek sa pagpaslang sa naturang dalagita.

Samantala, hiniling ng mga otoridad na huwag munang pangalanan ang suspek habang isinasagawa ang hot pursuit operation para sa ikadarakip nito.

 

Camarines Norte News