• Impact
  • Interesting news?

SMOKE EMISSION TESTING CENTER NG KAPITOLYO, HINDI PA MAPASIMULAN DAHILAN SA PAGHARANG NG ISANG INDIBIDWAL! BOKAL GACHE, HINDI SUSUKO!

Malakas ang hinala ni Board Member Pol Gache ng Sangguniang Panlalawigan na hinaharang ng isang hindi binanggit na indibidwal ang pagbubukas ng bagong smoke emission testing center na patatakbuhin ng Pamahalaang Panlalawigan.

gache-608

Sa panayam ni Ronald Molina at Jun jun Quiral ng Kadamay Network PBN-DZMD kay Gache, sinabi nya na halos kumpleto na lahat para sa tuluyang pagsisimula ng nasabing Smoke Emission Center simula sa gusali hanggang sa mga personnel na magpapatakbo nito na sumailalim na rin sa mga trainings.

Tanging ang approval na lamang mula sa LTO at DOTC ang kanilang hinihintay na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naibibigay bunsod ng umiiral na Temporary Restraining Order mula sa korte para sa pagpapatayo ng karagdagang Smoke Emission Testing Center (SETC) sa Camarines Norte.

Argumento ni Gache, tanging ang mga pribadong emission centers ang tinutukoy sa TRO na nagsimulang ibaba noong pang 2007. Dagdag pa nito na noong panahon ay umaabot lamang sa 17 thousand ang bilang ng mga behikulo sa lalawigan na halos na triple na ito sa kasalukuyan. Anya, marapat lamang na madagdagan na ang mga emission testing centers  dahilan sa limitado lamang sa 80 behikulo ang maaaring iproseso ng bawat SETC sa kada araw, dahilan para maabala ang mga nagmamay-ari ng mga sasakyan para sa nasabing requirements sa rehistrasyon.

Kamakailan ay naging laman ng mga balita ang reklamo ng mga motorista sa mahabang pila ng mga nagpaparehistro bunsod ng naturang kalagayan. Na nagbunsod din sa Pamahalaang Panlalawigan na magtayo na rin ng sariling SETC na patatakbuhin ng gobyerno sa mas mababang halaga.

emission-608

Sa harap nito, aminado si Gache na wala na sa kanyang saklaw ang patuloy na pagkabalam nito dahilan sa korte lamang ang maaaring magdesisyon dito. Malakas ang kanyang hinala na may isang personahe na gumagawa ng paraan para tuluyang mabalam ang pagsisimula ng Pamahalaang Panlalawigan sa naturang serbisyo. Hindi naman pinangalanan ng bokal kung sino ang kanyang tinutukoy na personahe.

Patuloy pa din naman anya silang nakikipag-ugnayan sa DOTC at LTO para mas mapalakas ang kahilingan sa korte na alisin na ang nasabing TRO.

Maging si Governor Edgardo Tallado anya ay hindi rin tumitigil na gumawa ng paraan para tuluyan nang makapagserbisyo sa lalawigan ang naturang Emisison Center sa mamamayan ng Camarines Norte.

 

Nag uulat,

Rodel Llovit

(Photos by: Ricky Pera)

 

More NEWS?

Visit our HOME                                    For Daily News Update                     Follow us on Twitter

LOGO-CNN-150-X-65                   LOGO-FB-150-X-65                 twitter---150