rob608

Enero 11, 2018, Daet, Camarines Norte – Pinasok ng hindi nakilalang kawatan ang tahanan ng isang guro  sa Block 26, Lot 28, Phase 2, Holiday Homes Subdivision, Barangay Lag-on, Daet, Camarines Norte at tinangay mula dito ang dalawang (2) unit ng flatscreen tv at mga alahas.

Kinilala ang biktima at may ari ng bahay na si Rosana Zenarosa y Rafael, 52 anyos, may asawa, guro sa isang pampublikong paaralan at residente ng nasambit na lugar.

Base sa tala ng Daet Municipal Police Station, dakong 5:00 ng hapon kamakalawa, Enero 9, 2018 nang umuwi sa kanilang tahanan sa nasambit na lugar ang biktima mula sa paaralan at laking gulat na lamang umano nito nang matuklasang natangay na  ng hindi nakilalang kawatan ang isang (1) 36 inches black Skyworth flat screen TV na nagkakahalagang Php 24,000.00, isang (1) 24 Inches black Skyworth Flat screen TV na nagkakahalagang Php 16,000.00 at mga alahas na umaabot sa halagang Php 15,000.00.

Nakapasok umano ang suspek sa pamamagitan ng pagbasag ng salamin na pader sa ikalawang palapag ng bahay.

Nagsasagawa na ng follow up investigation ang Daet PNP para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek at pagkadarakip dito gayundin ang pagsauli sa ninakaw na kagamitan.

 

Camarines Norte News