labomap608

Pebrero 11, 2018, Labo, Camarines Norte – Nagtamo ng mga sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan ang driver at backrider ng isang motorsiklo matapos itong sumalpok sa kasalubong na kotse sa bahagi ng Brgy. Daguit, Labo, Camarines Norte dakong 4:00 ng hapon kamakalawa, Pebrero 9, 2018.

Kinilala ang driver ng pulang Honda Wave motorcycle na may plakang 2888 EZ na sangkot sa aksidenteng si Jesus Armenia, 21 anyos, binata, residente ng Purok 2 Brgy. Tigbinan, bayan ng Labo habang kinilala naman ang backrider nitong si McArthur Oida, 19 anyos, binata at residente ng Purok 1 ng parehong barangay.

Sa imbestigasyong isinagawa ng Labo Municipal Police Station, binabaybay ng nasambit na motorsiklo ang Maharlika Highway patungo sa Brgy. Bagong Silang I nang sa pagsapit sa lugar ng insidente ay sumalpok ito sa kasalubong na Nissan Frontier na may plakang XPT706 na minamaneho ni Orlando Liwag, 49 anyos, may asawa at residente ng Purok 5, Brgy. 3, Vinzons, Camarines Norte

Nabatid na hindi natantiya ng driver ang kurbadang kalsada sa naturang lugar dahil na rin sa bilis ng pagmamaneho nito kaya sumalpok ito sa kasalubong na sasakyan.

Agad na dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital ang dalawang sugatan matapos lapatan ng paunang lunas.

Inaalam pa ang halaga ng pinsalang dulot ng aksidente sa dalawang sasakyan.

 

Camarines Norte News