daet-608-new

Pebrero 12, 2018, Daet, Camarines Norte – Patay ang isang binata matapos pagbubugbugin at hampasin ng matigas na bagay sa ulo ng apat (4) na kalalakihang nakaaway nito sa Purok 9, Brgy IV, Daet, Camarines Norte dakong 11:30 ng tanghali kahapon, Pebrero 11, 2018.

Kinilala ang napaslang na si Feliciano Rubio y Asmolo, 26 anyos, binata at residente ng nasambit na lugar.

Sa imbestigasyon ng Daet Municipal Police Station, nagsimula ang gulo nang sipain umano ni Rubio ang isang nagngangalang Eugenio Araz dahilan para matumba ang huli at magtamo ng injury sa ulo. Dito na umano lumapit si Alberto Castillo upang awatin ang dalawa subalit inundayan ito ni Rubio ng saksak sa ulo gamit ang hawak nitong kitchen knife.

Doon na umano umalma si Castillo at mga kasamahan nito na si Jayson Cabarle at dalawa (2) pang hindi nakikilalang suspek. Pinagbubugbog umano ng apat si Rubio at hinampas ng matigas na bagay sa ulo hanggang sa mawalan ito ng malay.

Agad na dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital si Rubio ng mga rumispondeng kapulisan subalit binawian rin ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Patuloy naman ang isinasagawang in-depth na imbestigasyon ng Daet PNP ukol sa naganap na insidente.

 

Camarines Norte News