xtsismis608

Marso 6, 2018, Basud, Camarines Norte – Inaprubahan na ng Sangguniang Bayan ng Basud ang ordinansang ipinasa  ng Brgy. Council ng Tuaca ukol sa pagpapataw ng parusa sa mga mapapatunayang nagpapakalat ng tsismis sa kanilang lugar.

Sa ginanap na regular na sesyon ng SB sa naturang bayan, tuluyan nang inaprubahan ang nasambit na ordinansang inakda ni  Kagawad Presentacion San Isidro ng Brgy. Tuaca na naglalaman ng panuntunang dapat sundin ng mga residente ukol sa pagbabawal ng pagpapalaganap ng tsismis.

Nakasaad dito na magbabayad ng multang Php 700.00 hanggang Php 1,000.00 at magsasagawa ng community service ng hindi lalagpas sa 32 oras ang sinumang mapapatunayang lumabag sa nasambit na batas.

Ngunit bago ito ay kinakailangan munang maglatag ng sapat na ebidensiya at testigo ang biktima na magpapatunay na nagpakalat nga ng tsismis ang akusado at kung hindi sapat ang ebidensiya at hindi mapatunayan ang tsimis ay ang nagrereklamo ang magbabayad sa inaakusahan bunsod ng abalang dulot ng reklamo.

Layunin ng pag apruba sa nasambit na ordinansa na mawakasan na ang mga alitan sa mga mamamayan bunsod ng pagkakalat ng mapanira o malisyosong impormasyon o kwento na karaniwang nakakasira ng matiwasay na relasyon sa bawat isa.

 

Camarines Norte News