608-lto

Marso 7, 2018, Daet, Camarines Norte – Muling nagpaalala si Land Trasportation Office (LTO) Daet District Office Chief  Nenita Llaban sa mga motorista ukol sa pagsunod sa batas partikular na ang siguruhing rehistrado at may kumpletong accessory parts ang mga sasakyan bago bumiyahe.

Sa panayam ng Cool Radio News Fm sa naturang opisyal kaninang umaga, sinabi nito na ang paalala ay bunsod sa pagdami ng mga nahuling motorista nitong nakatalikod na linggo matapos ipakalat sa lalawigan ang 50 deputized enforcer ng LTO kung saan ibat ibang paglabag ang naitala partikular na ang hindi rehistradong sasakyan, kawalan ng lisensiya ng driver, kakulangan ng accessory parts at hindi pagsunod sa batas iba pang batas trapiko.

Dahil dito, siksikan ngayon sa impounding area ng tanggapan ang mga nahuling sasakyan gayundin ang halos 200 na nahuling driver at mga may-ari ng sasakyan sa mismong opisina ng LTO Daet para ayusin ang kanilang mga paglabag.

Kaya naman mahigpit ang naging paalala ng hepe sa mga motorista na sumunod sa mga itinakdang batas upang maiwasan ang maabala lalung lalo na ang pagbabayad ng mga penalidad. Aniya, dapat na bago pa man sumakay ng sasakyan at bumiyahe ang mga ito ay dapat na siguruhing maayos ang mga papeles nang sa gayon ay walang dapat na iwasan na mga nanghuhuli para na rin umano sa kanilang kaligtasan.

 

Camarines Norte News