gov608

Marso 16, 2018, Daet, Camarines Norte – Ipinatupad na ng Department of Interior and Local Government (DILG) Regional Office V ang January 10, 2018 decision ng Office of the Ombudsman may kaugnayan sa pag dismiss sa panunungkulan ni Gobernador Edgardo Tallado bilang gobernador ng lalawigan ng Camarines Norte.

Pasado alas singko ng hapon ng isilbi ang nasabing desisyon na matiwasay naman na tinanggap ng gobernador bilang pagkilala sa nasabing kaatasan.

Sa kabila nito, tiniyak ni Tallado sa kaniyang mga kababayan at taga suporta na magpapatuloy ang mga programa at serbisyo para sa mga ito sa kabila ng pagtalima nito sa nasabing dismissal order.

Ayon sa gobernador, kumpiyansa ang kaniyang panig na papaburan ng Court of Appeals (CA) ang isinumiteng apela para sa desisyon ng Ombudsman.

Kasong Grave Misconduct ang isinampa ni dating provincial veterinarian Dr. Edgardo Gonzales laban kay Tallado, may kaugnayan naman sa umano’y pagsibak dito ng gobernador bilang Provincial Veterinarian dahil sa umano’y ilang kadahilanan.

Sinabi ni Tallado na sakali naman anyang hindi pumabor sa kanya ang desisyon ng C.A. sa kanilang apela, tiniyak nito na maaari pa siyang tumakbo bilang gobernador sa 2019 elections base na rin anya sa pahayag ng ilang mga kilalang election lawyers.

Ang pagsilbi nya sa mga nauna nang dismissal ng ipinataw ng Ombudsman ay sapat na anyang dahilan para muli syang magkaroon ng pagkakataong tumakbo bilang gobernador sa 2019 elections dahil sa “term interruption” na dulot ng dismissal.

Dagdag pa ng gobernador, habang wala sa puwesto ay aasikasuhin muna nito ang kanyang mga negosyo kasabay ng patuloy na pakikipag usap kay Vice Gov Jonah Pimentel upang makipag tulungan pa rin sa pag seserbisyo sa mamamayan ng Camarines Norte.

Nabatid na kahapon ay pormal nang nanumpa bilang bagong gobernador si Vice Gov. Jonah Pimentel at bagong bise gobernador si Board Member Mike Canlas.

Sinabi naman ni Gov. Jonah Pimentel na walang magiging epekto ang desisyon sa takbo ng mga tanggapan sa kapitolyo. Tuloy tuloy din anya ang mga programa ni Gov. Tallado sa ilalim ngayon ng kanyang pamumuno. Nananatili din anyang matatag ang kanilang pagkakaibigan at ang kanilang samahan sa larangan ng pulitika.

 

Camarines Norte News