Marso 24, 2018, Daet, Camarines Norte – Biyaya ang hatid sa mga maliliit na negosyante ng muling paglulunsad ng programang Kapatid Mentor Me Program (KMMP) ng Department of Trade and Industry (DTI) sa lalawigan ng Camarines Norte nitong nakatalikod na araw ng Huwebes, Marso 22, 2018.

Pinangunahan ni DTI Camarines Norte Provincial Director  Cynthia Olaguer ang ginanap na KMMP Batch 2 Launching sa Camarines Norte State College (CNSC) Amphitheatre sa bayan Daet na dinaluhan ng mahigit isangdaang (100) partisipante mula sa mga Micro Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa buong lalawigan, mga miyembro ng akademya at mga local mentees.

Personal na dumalo sa naturang programa at nagbigay ng mensahe si DTI Bicol Regional Director Engr. Jocelyn B. Blanco. Sinabi ng Direktor na may kinabukasan sa pagnenegosyo dahil narito aniya ang lahat ng oportunidad upang mapalago ang sariling kabuhyan sa pamamagitan ng pagsusumikap. Sa mga katagang “ Entrepreneurship is not hard if it is a thing you love to do”, hinimok ni Regional Director Banco ang mga dumalong MSME’s na mahalin ang kanilang ginagawa o negosyo, huwag sayangin ang oras, huwag matakot mag invest at gamitin ag kanilang kaalaman upang maging matagumpay sa sisimulan o nasimulan nang negosyo. Ipinaalala din nito na sa lahat ng panahon ay nasa likuran lamang aniya ng mga ito ang ahensiya at nakaagapay sa kanilang paglago.

Tinalakay din sa naturang launching ang dalawang (2) modules na bahagi ng programa na Module 1: Entrepreneurial Mindsetting and Values Formation at Module 2: Marketing.

Ang module 1 ay tinalakay ni Kapatid Mentor John Paul “PJ” M. Lanot, Presidente ng Pino Group of Concepts Inc, Mentor ng Philippine Center for Entrepreneurship at kilalang restaurants owner sa kamaynilaan habang ang module 2 naman ay tinalakay ni Kapatid Mentor Victor “Vix” Madlangbayan, Special Programs Consultant ng GO NEGOSYO, certified ASEAN Mentor at kilalang mentor ng ilang senador at negosyante.

Labis ang naging pasasalamat ng mga dumalo sa libreng kaalaman na naibahagi sa kanila ng mga mentors bagay kanila umanong tatandaan at gagamitin sa pagpapalago ng kanilang negosyo.

Nabatid na ang Mentor Me ay isa sa bahagi ng Project Kapatid ng DTI na naglalayong turuan at bigyan ng mas magandang approach ang mga MSMEs sa pamamagitan ng pagsasailalim sa mga ito sa mga mga seminars at pagsasanay.Sa dulo ng programa ay inaasahan ang mga lumahok na magprisenta ng kanilang mga proposals o business plan sa kanilang mga mentors upang mapatunayan ang kanilang natutunan sa Mentor Me Program. Pagkatapos nito ay hihiranging graduates ang mga ito bilang patunay na sila ay sumailalim sa programa ng ahensya.

Taong 2005 nang simulang ang naturang programa na may pangunahing layunin na mawakasan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagnenegosyo.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of DTI Camarines Norte