Abril 3, 2018, Vinzos, Camarines Norte – Takot at panlulumo ang inabot ng isang collector matapos itong harangin at mahold-up ng dalawang hindi nakilalang suspek sa bahagi ng Purok 5, Barangay Aguit-it, Vinzons, Camarines Norte.

Kinilala ang biktimang si Romeo Sunoga y Baloucio, 29 anyos, may asawa, collector ng Renaldo Financing Corporation at residente ng Barangay Gahonon, Daet, Camarines Norte.

Sa imbestigasyon ng Vinzons Municipal Police Station, dakong 10:30 ng umaga kahapon, Abril 2, 2018, habang tinatahak ng biktima ang kalsada sakay ng kaniyang motorsiklo  sa nasambit na lugar ay bigla na lamang umanong lumapit ang dalawang hindi nakilalang suspek na parehong nakasuot ng face mask.

Pinahinto umano ng mga ito ang motorsiklo at hiniklas ang suot na jacket ng biktima na naging dahilan upang mawalan ng kontrol ang huli sa manibela at matumba sa kalsada.

Doon na umano tinutukan ng bolo sa dibdib ang biktima ng isa sa mga suspek at nagdeklara ng hold-up.

Matapos ito ay pwersahan na umanong kinuha ng mga ito ang perang nagkakahalagang Php 30,624.00 mula sa biktma na mula pa sa pangongolekta nito sa bayan ng Paracale.

Agad umanong tumakas ang mga suspek patungo sa madamong bahagi ng naturang barangay habang dinala naman sa Panlalawigang Pagamutan ang biktima para sa kaukulang atensiyong medikal.

Nagsasagawa na ng follow up investigation at hot pursuit operation ang Vinzons PNP para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkadarakip ng mga suspek.

 

Camarines Norte News