Abril 9, 2018, Daet, Camarines Norte – Isa nanamang Jobs Fair ang isasagawa sa lalawigan ng Camarines Norte sa unang quarter pa lamang ng taong 2018.

Ito ay ang dalawang (2) araw na Bantayog Jobs Fair na isasagawa sa Abril 12 hanggang 13, taong kasalukuyan sa Little Theater, Provincial Capitol Grounds, Daet, Camarines Norte handog ng Public Employment Services Office (PESO) ng Pamahalaang Panlalawigan at Department of Labor and Employment (DOLE).

Inaasahang libu-libong trabaho ang maaaring pagpilian ng mga aplikante mapalokal man o abroad kaya naman malugod na iniimbitahan ang mga jobseekers na magtungo sa naturang event na bahagi ng ipinagdiriwang na 98th Founding Anniversary ng lalalwigan at 14th Bantayog Festival.

Magsisimula ito ng 8:00 ng umaga sa araw ng huwebes, Abril 12 at tatagal hanggang 4:00 ng hapon kinabukasan. Gayunpaman, paalala ng PESO sa mga aplikante na maging maagap at iwasang pumunta ng last minute upang hindi masayang ang oportunidad.

Makabubuti rin umanong magdala na ng maraming resume at baka mapabilang pa sa tinatawag na HOTS o Hired-on-the-Spot.

Sa huli ay inaanyayahan ng PESO ang lahat ng walang trabaho lalung lalo na ang mga fresh graduates na samantalahin ang pagkakataon at huwag sayangin ang ganitong oportunidad upang makakuha ng trabaho.

 

Camarines Norte News