Abril 9, 2018, Jose Panganiban, Camarines Norte – Ligtas nang nakatawid ng karagatan at nakauwi na sa kani-kanilang tahanan ang 227 turista na nastranted sa Parola Island, Jose Panganiban, Camarines Norte.

Base sa impormasyong nakalap ng Camarines Norte News, araw ng sabado, Abril 7, taong kasalukuyan nang magtungo sa nasambit na isla ang mga turista na kinabibilangan ng mga bakasyunista mula sa malalayong lugar, ilang kawani ng LGU Daet at mga mag aaral mula sa La Consolacion College of Daet.

Kahapon umano ang nakatakdang schedule ng pag uwi ng mga turista subalit naantala ito dahil hindi pinayagan ng Coast Guard na makapaglayag dahil sa itinaas na gale warning bunsod ng biglang pagsama ng panahon.

Samantala, simula kagabi hanggang kaninang umaga ay nagtulong tulong ang mga lokal na opisyal ng Jose Panganiban, MDRRMO, radio communication groups, (Kabalikat) at ilan pang Rescue Volunteers para sunduin ang mga turista gamit ang malalaking bangka.

 

Dala rin ng mga rescuers at medical team ang mga pagkain, gamot at iba pang pangangailangan ng mga turista na kinapos dahilan sa pagkaantala ng biyahe.

Dakong 2:30 ng hapon ngayong araw nang matapos ang rescue operation kung saan kumpleto nang naitawid mula sa naturang isla patungo sa port ng Jose Panganiban ang mga turista.

 

Nabatid na bagaman 35 minuto lamang ang byahe sa dagat mula sa centro ng Jose Panganiban hanggang sa mala paraisong isla ng Parola, ipinaliwanang ng pamunuan ng  Coast Guard na hindi nila pinapayagan na bumiyahe ang sinuman patungo at pabalik sa isla sa tuwing may deklarasyon ng gale warning. Ito ay upang matiyak umano ang kaligtasan ng lahat at masigurong walang magbubuwis ng buhay sa biyahe sa karagatan.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of Aris Alexopoulos