Abril 9, 2018, Vinzons, Camarines Norte – Mapalad na nakaligtas mula sa muntik nang lumubog na bangka sa Sitio Angalan, Banocboc, Calaguas Island, Vinzons, Camarines Norte ang labingsiyam (19) na lulan nito matapos agad na marescue ng mga personel ng  Coast Guard Sation (CGS) Camarines Norte nitong nakatalikod na araw ng sabado, Abril 7, 2018.

Base sa report ng CGS Camarines Norte, sa nasambit na araw ay nakatanggap umano sila ng impormasyon mula sa Clearing Out Post (COP) Vinzons ukol sa isang motorized bangka na may pangalang “Jordan 2” ang palubog sa karagatang sakop ng Sitio Angalan.

Bunsod nito, agad na nagtungo ang mga personel ng CGS Camarines Norte, CGSS Mercedes at COP Vinzons sa lugar upang magsagawa ng search and rescue operations (SAR).

Doon na inabutan ng mga rescuers ang Jordan 2 na halos nakalubog na ang kalahating bahagi sa karagatan.

Agad namang nailipat sa isa pang motorized banca ang 19 na pasahero na pawang ligtas at nasa maayos na kondisyon. Nadala na rin sa Calaguas Island ang Jordan 2 sa pamamagitan ng PCG aluminium Boat (AB-119)

Ayon sa skipper ng bangka na kinilalang si Melchor Bacar, habang patungo sila sa Isla ng Calaguas ay sinalubong umano sila ng naglalakihang alon na nagdulot ng pagkasira sa katig ng bangka at naging sanhi ng muntikan nang paglubog nito.

 

Camarines Norte News

Photos and details courtesy of Philippine Coast Guard District Bicol